Manong Wen (183)

BUMABA sina Mam Diana at ang drayber na si Diego para puntahan ang isang inaakala nilang sasakyan na may nakatakip na mga tuyong dahon ng saging.

Nauuna sa paglalakad si Mam Diana na sabik malaman kung iyon nga ang sasakyang ginamit sa pagkidnap kina Princess at Precious. Nasa likuran naman si Diego.

“Mam Diana, kaunting ingat po at baka may tao sa loob ay upakan tayo. Ar­mado raw po ang mga kidnaper sabi sa akin ng drayber ni Sir Jo. Mga halang daw po ang kaluluwa!”

“Hindi ako natatakot sa kanila, Diego. Gagawin ko ang lahat para mailigtas ang dalawa kong anak!’’ Sabi at mabilis na naglakad patungo sa bunton ng mga dahon ng saging. Walang nagawa si Diego kundi sumunod. Ka­ilangang protektahan niya ang kanyang amo. Mabilis din siyang naglakad para harapin kung sinuman ang nasa loob ng inaakala nilang sasakyan.

Natiyak nila na sasakyan nga iyon dahil naka-expose ang isa sa mga gulong.

“Alisin natin ang mga dahon­, Diego!”

Inalis nila. Tumambad ang van. Tiningnan ni Diego ang plate number. Iyon nga ang number na tinext sa kanya. Positive.

“Ito po ang van ng mga kidnaper, Mam Diana!”

“Tingnan natin ang loob, Diego!”

Binuksan ni Diego ang pinto pero naka-lock.

Nagpalinga-linga si Diego sa paligid. Nakakita ng isang bato na singlaki ng kamao niya. Kinuha. Ipinukpok sa salamin ng van. Durog ang salamin!

Inilusot niya ang kamay sa butas ng salamin. Binuksan ang pinto.

Nagulat sila sa nakita sa loob. Isang katawan ng lalaki ang naroon. May tama ng bala sa ulo. Patay na! Sa itsura nito ay hindi pa natatagalang patayin.

Nakita ni Diego ang baril na nasa tabi ng bangkay. Dinampot niya at isinuksok sa baywang.

“Dali, Diego maaaring hindi pa nakakalayo ang mga may hawak sa anak ko. Sundan natin!”

“Opo Mam!”

Nagbalik sila sa sa­sakyan.

NANG mga sandaling iyon ay patuloy naman sa pagtakbo sina Princess at Precious. Pagod na pagod na sila. Pero kailangang tumakbo para hindi abutan ng mga hayok na kidnapper.

(Itutuloy)

Show comments