Mukhang malabo o matatagalan pa talaga bago tuluyang masolusyunan ang problema sa matinding trapik sa Metro Manila.
Sa isang survey na isinagawa umano ng Serbian-based research firm lumalabas na pang-siyam na ang Pilipinas sa 88 bansa na may malalang sitwasyon ng trapiko.
Maging ang MMDA ay aminado na kailangan na talaga ang pangmatagalang plano para upang tuluyang masolusyunan ang matinding sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.
Tila hindi na sa ibaba ang nakikitang solusyon dito, kundi marahil sa itaas na.
Sa kanilang tantiya kailangang magdagdag ng sampung linya ng Metro Rail Transit (MRT), para maibsan ang malalang trapik .
Hindi lang sa Edsa ngayon ang matindi ang problema sa trapik, kundi maging sa marami na ring lansangan sa Metro Manila na dati ay hindi naman nararanasan ang ngayo’y dinadaanang kalbaryo sa trapik.
Sa Maynila na lang, hindi na rin natino ang trapik dito.
Hindi malaman kung may ipinatutupad pa bang truck ban dito o tuluyan na ngang nagkanya-kanya na lang.
Walang direksyon ang trapik.
May makita ka mang nagtatrapik pero parang sa mga gusto lang nilang lugar, kaya ang maraming mga intersection dito nasasarhan dahil walang nagmamando.
Ang inaabot nagkakabuhul-buhol.
Mukhang tahimik na rin dito si Manila Vice Mayor Isko Moreno na dati eh sya ang nangunguna para umano maisaayos ang daloy ng trapik sa Maynila.
Sa Maynila pa naman, kapag naipit ka na sa matinding trapik, katulad sa kahabaan ng EDSA siguradong oras ang bibilangin mo, tiyak na swak ka na.
Kaya ang mga naghihintay kung kailan masosolusyunan ang trapik, eh mukhang matagal pa kayong maghihintay. Pangmatagalang solusyon na raw ang kailangan.