MAY magandang balita para sa mga may itsura dahil isang restaurant sa China ang nagpapakain ng libre basta ang customer ay guwapo o kaya’y maganda.
May libreng meal ang mga customer ng isang Korean food restaurant sa probinsya ng Henan sa China kung mapipili silang pinakamaganda o pinakaguwapo base sa botohan ng isang panel na binubuo ng mga plastic surgeons na eksperto sa larangan ng pagpapaganda.
Lahat nang customer na pumapasok sa restaurant ay kinukuhanan ng litrato bago magsimulang kumain. Ang litrato ang siyang magiging basehan kung mapipili sila ng panel bilang pinakamaganda sa lahat ng kalahok. Ang mga papalarin ay puwedeng kumain nang libre sa restaurant.
Hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng pakulo ang isang restaurant sa China na may kinalaman sa itsura ng mga customer.
Noong nakaraang taon, nagbigay ng libreng pagkain ang Na Huo restaurant para sa mga lalaking customer na sobra sa timbang samantalang libre naman sa pagkain ang mga babaing customer na balingkinitan. Naging tampok rin ng mga balita ang nasabing pakulo ng Na Huo restaurant dahil para sa ilan ay isa itong paraan ng diskriminasyon sa mga customer nila.