Relihiyoso, updated din sa teknolohiya
HINDI rin talaga nagpapahuli ang mga relihiyoso sa ma-kabagong teknolohiya. Updated din sila sa mga nagaganap sa labas ng kinalalagyan nilang mga kumbento, seminaryo, simbahan at iba pang lugar ng pagsamba. Nahiwatigan yan sa mga tablet at smartphone na inilabas ng nasasabik na mga pari at madre na dumalo sa misa na pinangasiwaan ni Pope Francis sa Manila Cathedral noong Biyernes para kunan ng litrato ang Santo Papa. Meron ding mga nag-selfie bago, sa oras, at pagkatapos ng misa. Kahit iyong ibang mga relihiyoso na nasa malalayong lugar tulad sa mga probinsiya ay gumamit din ng kanilang mga smartphone at tablet sa pagkuha ng larawan ng Papa habang nagmimisa kahit sa telebisyon lang nila napapanood.
Merong mga pumuna sa ginawa ng naturang mga pari at madre dahil, sa pagkakaalam ng marami, naghihigpit ang simbahan sa paggamit ng mga cell phone sa oras ng misa sa mga simbahan. Inilabas ng ilang kritiko sa social media sa internet ang kanilang pagkairita. Pinuna nila ang tila nawalang paggalang sa banal na misa sa pagpindot sa mga kamera ng mga nag-aangatang iPad o tablet at smartphone ng mga kaparian. Pero, ayon sa ulat, hindi naman inalintana ng Santo Papa ang mga piktyur-piktyur na ginawa ng ilang kaparian.
Maaaring may katwiran ang mga kritiko pero hindi rin naman masisisi ang mga relihiyoso dahil bihira lang mangyari na makita nila at makaniig nang harapan at malapitan pa ang pinakamataas na lider ng simbahang Katoliko at hangad lang nilang magkaroon ng permanenteng alaala ng makasaysayang sandaling iyon. Maaaring bugso na rin ng emosyon kaya hindi nila sila ‘nakapagpigil.’ Emosyong nararamdaman ng maraming Katolikong Pilipino sa panahong ito ng pagdalaw sa Pilipinas ng Santo Papa na hindi rin naman nahuhuli sa makabagong teknolohiya. Nag-Tweet pa nga siya para sa mga Pinoy.
- Latest