TILA ramdam ni Pope Francis kung gaano kalubha ng katiwalian sa ating bansa kaya naman isa ito sa pangunahing mensahe sa pagpunta sa Malacañang nang mag-courtesy call kay President Noynoy Aquino.
Nanawagan si Pope Francis na wakasan na ang katiwalian sa ating bansa na ugat ng kahirapan.
Sabi ng Pope, nababawasan ang pondo ng gobyerno na dapat ay mapunta sa mga mahihirap na mamamayan partikular sa pangunahing pangangailangan.
Sa mga katagang ito ni Pope Francis ay tamaan sana at makonsensiya ang ilang tiwaliang opisyal ng gobyerno na walang tigil sa pagnanakaw sa pera ng bayan.
Pero malabong may tablan at makonsensiya sa mga opisyal. Ang naratapat mangyari ay may maparusahan upang magsilbing babala sa lahat na nagbabalak na magnakaw sa pera ng bayan.
Bagamat tuloy-tuloy ang kampanya ng Aquino administration laban sa katiwalian, hindi pa ito sapat at ang paniwala ng publiko, hindi naman naiimbestigahan ang mga sangkot na opisyal na kaalyado ng administrasyon.
Kung mayroong nakakulong na senador na mula sa oposisyon dahil sa alegasyon ng katiwalian ay marapat naman na may masampolan din sa hanay ng mga kaalyado ng administrasyon.
Mas magiging matibay ang kampanya laban sa katiwalian kung pantay ang trato sa lahat anumang grupo o partido ang kinabibilangan.
Totoong hindi madaling magapi ang katiwalain sa gobyerno pero kahit papaano, maramdaman sana ng publiko na mayroong pagbabago at tunay na reporma.
At ang pinaka-importante sa lahat, mayroon sanang maparusahan na tiwaling opisyal para magsilbing babala sa lahat.