SALT Restaurant ang pangalan ng isang restaurant sa Shiraz, Iran dahil literal na gawa ito mula sa asin.
Mula kasi sa mga upuan at mesa hanggang sa mga pader at hagdanan ay gawa ang nasabing kainan sa asin.
Ang nagdisenyo ng Salt Restaurant ay ang Emtiaz Designing Group at naisip nilang gamiting materyales ang asin sa kanilang mga dinidisenyong gusali upang labanan ang lumalalang polusyon sa hangin.
Napili nila ang asin dahil natural nitong sinasala ang hangin upang maalis ang mga nagiging sanhi ng polusyon nito. Natural din itong disinfectant kaya bagay na bagay itong materyales para sa isang gusali na kailangan ng kalinisan katulad ng isang restaurant.
Sinimulan nila ang pagdisenyo ng gusali sa pamamagitan ng pagpili ng tamang klase ng asin na kanilang gagamitin sa pagtatayo nito. Napili nilang gamitin ang mga natural na asin na matatagpuan sa lawa na maalat ang tubig na kalapit lang ng restaurant. Hinango naman nila ang disenyo ng restaurant mula sa isang salt cave o kuwebang gawa sa asin.
Ang isa pa sa mga layunin ng mga nagdisenyo ng restaurant ay ang pagandahin ang imahe ng asin. Para kasi sa karamihan sa atin ay hindi magandang sangkap ang asin para sa ating kalusugan kaya naman negatibo na ang pagtingin sa asin sa kabila ng mga mabubuting epekto nito sa katawan. Kaya naman gusto ng mga nagtayo ng Salt Restaurant na magmulat ang kanilang gusali sa kahalagahan ng asin para sa maraming tao.