NOONG unang panahon, kadalasang monarkiya ang sistema ng gobyerno sa mga bansa sa Europa. Ibig sabihin ay pinamumunuan ng hari o reyna ang isang bansa. Ang isang importanteng posisyon sa palasyo ay ang court jester. Sila ang tagapagpatawa sa hari at pamilya nito o taga-entertain ng mga bisitang maharlika na dumadalaw sa palasyo. Hindi lang pagpapatawa ang kanilang ginagawa kundi kumakanta, sumasayaw at lahat ng klase ng entertainment. Ang pinakaimportanteng duty ng court jester ay panatilihing nasa good mood ang hari.
May isang hari na masamang magalit ang nagpataw ng sentensiyang kamatayan sa kanyang court jester dahil may joke itong sinabi na nakainsulto sa kanya. Nang humupa ang galit ng hari ay saka nito napag-isipan na sobra ang parusang kamatayan na ibinigay niya sa court jester na matagal nang naninilbihan sa kanya. Lalo pa siyang nakonsensiya nang makita niyang nag-iyakan ang pamilya nito matapos marinig ang hatol. Ngunit gusto man niyang bawiin ang sentensiya ay hindi na niya magagawa dahil bawal iyon sa kanilang batas. Umisip ng paraan ang hari kung paano babawiin ang sentensiya nang hindi siya lalabag sa batas ng kanyang monarkiya.
Isang araw bago pugutan ang court jester ay ipinatawag siya ng hari. Nang magkaharap na ang dalawa ay nagwika ang hari: “Tutal ikaw ay naging matapat sa akin nang maraming taon, papipiliin kita kung ano ang gusto mong paraan ng iyong kamatayan.
Ilang minuto rin nag-isip ang court jester at saka sumagot: “Nais ko pong mamatay sa katandaan”. Nang panahong iyon ay trenta anyos pa lang ang court jester. Ipinagkaloob iyon ng hari. At habang hinihintay niya ang kanyang pagtanda, siya ay pinalaya upang ipagpatuloy ang pagiging court jester sa palasyo.