KAHAPON nang magdaan si Pope Francis sa mga kalsadang puno ng mga taong nag-aabang, makikita sa ekspresyon ng kanyang mukha sa matinding paghanga sa mga Pilipino na naghintay nang matagal para lamang siya makita. At hindi niya kayang biguin ang mga Pinoy sapagkat nang magdaan ang kanyang sinasakyang Volkswagen, hindi niya natiis na hindi makawayan ang mga tao. Ibinukas niya ang bintana ng sasakyan at kumaway sa mga tao. Kahapon, nang mabrodkas sa mga radyo at telebisyon na hindi sa pope mobile sasakay ang Papa, marami ang nabigo at nalungkot. Inaasahan nilang masisilayan ang Papa habang nakasakay sa pope mobile. At tila narinig ni Pope Francis ang mga dasal ng nakakarami para siya makita. Ibinukas nga niya ang bintana ng Volks at kinawayan ang mga taong nasa gilid ng kalsada. Marami ang natuwa sa ginawa ng Papa. Sapat na ang ginawa nito para mapawi ang nadamang kabiguan.
Sa talumpati ni Pope Francis sa Malacañang kahapon, sinabi niya na matindi ang paghanga niya sa katatagan ng mga Pilipino. Nakita raw niya ito sa mga biktima ng Yolanda. Nanatili raw matibay ang pananampalataya sa Diyos ng mga biktima sa kabila na sinalanta ng bagyo. Humahanga rin daw siya sa kabayanihan nang marami sa panahon ng kalamidad.
Sa isang press conference, binanggit din ng Papa ang paghanga sa mga OFW na nagtitiis ng kalungkutan sa ibang bansa para maitaguyod ang pamilya sa Pilipinas. Ayon sa Papa nalalaman niya ang pagtitiis ng mga OFW sapagkat may mga Pilipino rin na nagtatrabaho sa Vatican.
Naniniwala raw siya na bibigyang-halaga ang kalagayan ng mga mahihirap at mga kapuspalad ganundin ang mga biktima ng karahasan at mga hindi nakakakamit ng katarungan. Mahalaga rin aniya ang papel ng pamilya sa pagbubuo ng komunidad.