SI Orismar de Souza ay isang palaboy sa siyudad ng Sao Jose de Piranha Brazil. Isang araw, naisip niya na bumuo ng kanyang sariling sasakyan gamit ang mga basura na kaya niyang mapulot sa daan o ‘di kaya’y puwede niyang mahingi mula sa mga junk shop.
Marami ang hindi naniwala na kaya niya itong gawin at marami rin ang naging hadlang ngunit matapos ang apat na taon, nagawa niyang makapagmaneho ng kotseng siya mismo ang may gawa.
Gumastos si Orismar ng $270 (mahigit P12,000) para sa metal sheet na magsisilbing pinaka-katawan ng ginagawang sasakyan. Hindi biro ang nasabing halaga para sa isang nabubuhay lang sa panlilimos at pangangalakal kaya naman may mga araw na hindi kumakain si Orismar para lamang makaipon ng pambili ng materyales.
Hiningi naman o minsan ay pinulot ni Orismar ang ibang parte ng kanyang sasakyan. Kasama na sa kanyang mga pinulot ay ang mismong makina ng sasakyan na nakuha niya mula sa isang junk shop na malapit sa kanyang lugar.
Kahit walang karanasan sa pagiging mekaniko, at sa kabila ng pangangantiyaw ng ibang tao na walang mangyayari sa kanyang ginagawa ay nagtagumpay si Orismar na makabuo ng isang sasakyan.
Ngayon ay nakakapagmaneho na siya sa bilis na 80 kilometro bawat oras at nagagamit na rin niya ang kanyang bagong kotse sa kanyang pagpunta sa iba’t ibang lugar sa Brazil para sa paghahanap ng trabaho at nang matitirhan.