ISANG turista ang bumisita sa monasteryo ng mga madre sa Italy. May kakilala siya doon. Napansin ng turista na wala man lang kahit isang furniture ang monasteryo.
“Nasaan ang inyong furnitures?” tanong ng turista
“E, ikaw, nasaan din ang furnitures mo” patanong na sagot ng madre
“Ha? Siyempre, turista lang ako dito kaya wala akong furnitures na dala.”
“Ganoon din kaming mga madre sa monasteryong ito, mga turista lang sa mundong ito kaya hindi na kailangang gumamit ng furnitures.”
* * *
Noong madre pa lang si Santa Teresa de Avila ay lumapit minsan siya sa isang abogado upang magpanotaryo ng mga papeles na may kaugnayan sa lupang binili ng kanilang kongregasyon.
Natapos ang notaryo at nang itanong ng magandang madre kung magkano ang pagbabayaran ay buong pagnanasang sumagot ang bastos na abogado.
“Isang halik mo lang Sister ang bayad sa aking serbisyo.”
Nagulat ang mga kasamang madre ni Sister Teresa nang walang anu-ano’y agad nakalapit si Sister Teresa at hinalikan nito ang nagmamantikang pisngi ng abogado. Akala ng mga kasamang madre ay sasampalin ni Sister Teresa ang abogado ‘yun pala’y pagbibigyan ito.
Ang sabi ni Sister Teresa sa abogado, “Hindi pala kataka-taka na maliit lang itong opisina mo. Pulos halik lang ang ipinababayad mo sa iyong mga kliyente. Kaya pala, mumurahin kang abogado!”