“KAHIT lumuhod siya sa harapan ninyong dalawa?” tanong ni Jo na naglakas-loob pa ring nagtanong kahit na sa palagay niya ay mahirap nang mabago ang damdamin at pasya ng magkapatid.
“Kahit pa lumuhod siya, Kuya Jo! Hindi na talaga mababago ang pasya ko. Aywan ko si Ate Princess kung magbabago pa ang pasya niya pero ako, never!’’
“Ako man, Precious. Hindi na mababago ang pasya ko. Hindi ko rin siya mapapatawad. At saka hindi na naman natin siya kailangan di ba? Nakatayo nga tayo sa sariling mga paa kaya palagay ko, wala na tayong dapat pang ipaliwanag ukol sa kanya.’’
“Natiis nga niya tayo sa mahabang panahon di ba Ate? Wala na tayong pakialam sa kanya.’’
“Nauunawaan ko kayo.’’
“Sorry Kuya Jo.’’
“Nagtatanong lang ako dahil nga naalala ko ang aking ina.’’
“Iba ang inay mo Kuya Jo,” sabi ni Precious. “Natitiyak ko na napakabuti ng inay mo. Lagi kang pinuprotektahan noon at pinangangalagaan. Itong ina namin, mas ginusto pang makisama sa ibang lalaki. Mas sinunod pa ang tawag ng laman kaysa paglingkuran ang kanyang mga anak. Imagine, natiis niya kami --- pawang mga babae!’’
Napatangu-tango si Princess sa sinabi ng kapatid.
Hindi na nagsalita pa si Jo. Hinayaan na lamang niya ang magkapatid sa desisyon ng mga ito. Iginalang niya ang pasya ng mga ito. Mahirap talagang patawarin si Mam Diana.
HINDI makatulog si Jo. Nagbigay nang problema ang tungkol sa hinihiling ni Mam Diana. Mukhang wala siyang magagawa. Hindi niya malaman ang gagawin. Mukhang hindi magbabago ang damdamin ng magkapatid. Walang kapatawaran ang ginawa ni Mam Diana.
Paano siya haharap kay Mam Diana? Ano ang sasabihin niya. Kailangan, bago siya humarap dito ay mayroon na siyang maibabalitang maganda.
Matagal bago nakatulog si Jo. Nakatulugan na niya ang pag-iisip sa problema.
ISANG araw, naglalakad si Precious patungong school nang may maramdaman siyang sumusunod sa kanya. Hindi siya lumilingon. Bakit kinakabahan siya?
(Itutuloy)