NAKARATING na kay PNP OIC Dep. Dir. Gen. Leonardo “Dindo” Espina ang talamak na pasugalan sa Cavite. Naging guest kasi ng radio program ni Ted Failon si Espina kamakailan at inulan siya ng tawag o reklamo ukol sa naglipanang pasugalan sa Bacoor at Dasmariñas, kasama na ang mga pergalan nina Tessie Rosales, at alyas Jessica. Nangako si Espina kay Failon na aaksiyunan niya ang mga reklamo at ipatatawag si Sr. Supt. Jonnel Estomo, ang provincial director ng Cavite, para pagpaliwanagin tungkol sa problema ng pasugalan. Kung sabagay, may broad powers na si Espina para disiplinahin ang mga tiwaling kapulisan. Hindi kaya laway o props lang itong tinuran ni Espina? Kasi hanggang sa ngayon, talamak pa rin ang saklaan at pergalan sa Cavite kaya ang suspetsa ng mga kosa ko, kunwari lang na may aksiyon si Espina sa mga sumbong sa radio interview ni Failon. Boom Panes! Hehehe! Ganyan naman sa PNP mga kosa, uso ang takipan! Tumpak!
Kung sabagay, maging si Calabarzon police director Chief Supt. Jesus Gatchalian ay umamin na hitik ang pasugalan sa Cavite. Subalit kung bakit hindi n’ya mautusan si Estomo na supilin ang mga ito ay si Gatchalian lang ang nakaaalam. Ang pergalan na bukas sa Cavite sa ngayon ay ang kay Jessica sa Dasmariñas at ang puesto-piho ni Aleng Tessie sa palengke ng Silang at ang malapit sa Puregold sa Imus. Si Gatchalian ay magreretiro na sa Enero 22 at ang ugong sa Camp Crame ang mga kandidato sa puwesto niya ay sina Chief Supt. Nap Taas at Banong Albano. Si Albano ay bitbit ng Iglesia ni Cristo samantalang si Taas ang ipinagmalaki ay ang kanyang track record sa trabaho. Kung sino man kina Taas at Albano ang mauupo, titiyakin natin na malinis itong Calabarzon ng pergalan nina Aleng Tessie, at Jessica. Hehehe! Weather-weather lang ‘yan.
Pero matunog naman sa Camp Crame na ayaw nitong si Roxas kay Albano sa Calabarzon sa kadahilanang lalong lalaganap lang daw ang kriminalidad doon. Si Albano kasi at iba pang district director ng NCRPO ay nasibak noong nakaraang taon sa kasagsagan ng P1.2 million hulidap sa EDSA. Kaya ang nasa isipan ni Roxas ay itong insidente ng hulidap kaya’t inaayawan niya si Albano na idinirekta naman ng INC sa Palasyo. Subalit kung itong “Operation Lambat’ ng PNP ang gagawing basehan, mukhang si Taas ang nakaungos na maging Calabarzon police director dahil hindi bakasyon kundi puro trabaho itong anti-crime strategy ng PNP. Itong “Operation Lambat” mga kosa ay naging matagumpay sa Metro Manila sa pagpababa ng kriminalidad ng halos 50 porsiyento kaya’t nais ni Roxas na ma-implement ito sa Calabarzon at sa Central Luzon kung saan ang crime rate ay mataas din. Kaya naman nagtagumpay ang anti-crime strategy ng PNP sa Metro Manila ay dahil pinasara ni NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria ang mga pergalan kaya bumaba ang krimen. Aaksyon na kaya si Estomo laban sa pergalan nina Aleng Tessie, at Jessica para bumaba ang kriminalidad sa Cavite at maiwasan n’ya ang kidlat ni Roxas? Abangan!