May dapat patunayan ang mga Pinoy sa Papal visit
ABALANG-ABALA ang gobyerno sa paghahanda sa pagdating ni Pope Francis sa Huwebes.
Hindi biro ang paghahanda lalo na sa usapin ng seguridad dahil hindi pumayag si Pope Francis na bullet proof ang sasakyan nito.
Bukod sa anumang banta sa seguridad, isa sa pinakamahalaga rito ay ang disiplina ng ating mga kababayang makikilahok sa lahat ng aktibidad ni Pope Francis.
Dapat nating patunayan na disiplinado tayo at handang sumunod sa mga sistema na magiging dahilan ng magkaroon ng kaayusan.
Kung muling mangyayari ang eksena sa kapistahan ng Itim na Nazareno ay asahan natin na magkakaroon ng problema sa kaayusan.
Dapat ay mapagbantay ang lahat na dadalo sa pagtitipon at sila na ang sumita sa kapwa lalo na ang pagpapaalala sa mga patakaran o sistema sa kaayusan.
Kung magkakaroon ng kaguluhan partikular ang stampede ay sisikat na naman tayo subalit hindi maganda dahil sa kawalan ng disiplina.
Kung magbibigayan at susunod sa sistema ay maiiwasan ang kaguluhan at ang lahat ay magiging masaya para na rin sa interes ng bansa.
Huwag na sanang maulit ang hindi magandang nangyari sa kapistahan ng Nazareno at gayundin ang pagsasamantala ng mga masasamang loob tulad ng mga mandurukot at magnanakaw.
Bukod sa pagiging lider ng simbahan ay isa ring head of state si Pope Francis kaya mahalagang matiyak ang kaligtasan nito lalo na ang kaayusan sa mga lugar na may event kaya naman punong abala ang gobyerno.
Magtatagumpay ang papal visit kung ang bawat isa ay tutulong dahil hindi ito kakayaning mag-isa ng gobyerno.
Ang pakinabang ng Pilipinas sa matagumpay na pagbisita ni Pope Francis ay ang sektor ng turismo at buong bansa.
- Latest