NOONG Lunes ng umaga, nag-rollback na naman ang presyo ng gasoline at diesel. Nag-rollback ng P1.70 ang gasoline at P1.50 naman ang diesel. Ayon sa forecast, patuloy pang bababa ang langis sa world market na ngayon ay nagkakahalaga ng $60 per barrel. Maaari umanong umabot sa $30 bawat bariles.
Mahigit P14 na ang nababawas sa gasoline at P16 naman sa diesel mula nang bumaba noong nakaraang taon. Malaki na ang nabawas sa presyo.
Nagtapyas din ng presyo ang kerosene at ganundin ang liquified petroleum gas (LPG).
Halos lahat nang petroleum products ay bumaba ang presyo at maraming motorista ang natuwa. Malaking tulong ito sa lahat. Bawat negosyo ay nakadepende sa gasolina kaya kapag tumaas o bumaba, apektado ang negosyo.
Sa pagbaba ng oil products, tanging ang pasahe pa lamang sa pampasaherong dyipni ang nabawasan. Naging P7.50 na ang pasahe sa dyipni. Maliban dito, wala nang ibang nag-rollback kaya naman marami ang nagtataka kung bakit mabagal ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagmonitor sa presyo ng bilihin. Ayon naman sa DTI mayroon na raw mga produktong nag-rollback gaya ng kape at asukal. Maliban sa mga ito, wala nang iba pang nagbawas ng presyo.
Paano ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, mantika, gatas, sardinas at iba pa? Bakit nananatili pa ring mataas. Gumagawa ba o kumikilos ang DTI ukol dito? Sa kabila na malaki na ang na-rollback sa gasoline at diesel, wala pa ring maramdaman ang mamamayan. Hindi sapat na ang pamasahe lamang ang mabawasan kundi pati na ang mga presyo ng pangunahing bilihin. Ito ang kailangang maibaba sapagkat marami ang kakarampot ang kinikita. Maraming naghihigpit ng sinturon.
Dapat matikman ng mamamayan ang nararanasang pagbabawas ng presyo ng gasoline at diesel. Pagaanin sana ang kanilang pasanin.