LUMINGON ka lang sa iba nanlilisik na ang kanyang mga mata…ngunit siya ay palihim palang humahaplos at yumayakap sa iba.
“Apat na taon lang kaming kasal bigla na lang siyang nawala. Hindi ko alam kung saan siya nagpunta,” pahayag ni Aurora.
Bata pa lamang sina Aurora Supe, 59 taong gulang, nakatira sa Kalookan at ang asawa nitong si Eliseo o Ely ay magkapit-bahay na sila sa Cebu. Labandera nung panahong yun ang ina ni Aurora habang nagtatrabaho naman bilang ‘supervisor’ sa minahan ang kanyang ama. Napapansin ni Aurora na may gusto sa kanya si Ely. May panahon pa daw na nagpapadala ito ng pagkain sa bahay nila. “Bubot pa lang ako niligawan niya na ako. Tinatanong ako ng nanay ko bakit madalas magbigay ng pagkain si Ely. Sinagot ko na lang ng hindi ko alam,” kwento ni Aurora.
Pagtungtong ng labing isang taong gulang ni Aurora umaakyat na ng ligaw sa kanilang bahay si Ely. Naging kaibigan niya din daw ang kasambahay nina Ely kaya ito ang naging tulay para magkamabutihan silang dalawa. “Mula nun lagi na siyang nakakabisita sa bahay. Ayos naman siya sa nanay ko. Gusto ko din siya at maliban pa dun gwapo si Ely kaya’t sinagot ko,” salaysay ni Aurora.
Ang pangarap ni Aurora ay makapangasawa ng mas matanda sa kanya. Nagkataon naman na pitong taon ang tanda sa kanya ni Ely. Nung simula ayaw ng mga magulang ni Ely sa kanya dahil mahirap lang daw ang kanyang pamilya. “Nakita siya ng tatay niya na nagsindi siya ng kandila at may dalang lubid kaya natakot sa gagawin ng anak. Kinumbinsi niya ang nanay ni Ely na mamanhikan sa ‘min,” kwento ni Aurora.
Labing pitong taon pa lang si Aurora nang magpakasal sila habang bente kwatro naman si Ely. Dun sila nanuluyan sa bahay nina Aurora. Nagtrabaho sa minahan si Ely. Pa at Ma ang naging tawagan ng dalawa. “Nung naglilihi na ako sa una naming anak nagselos siya. Ayaw na ayaw niyang makikipag-usap ako sa iba. Nakunan ako dahil tinali niya ako,” pahayag ni Aurora.
Hindi na daw siya pinapaalis nito hanggang sa magkaroon sila ng pangalawang anak. Taong 1976 nang madestino sa Maynila si Ely. Ito na din ang naging huli nilang pag-uusap. “Yung biyenan kong lalaki lagi kaming pinapatawag ng anak ko. Tinatanong ko kung nasaan si Ely pero laging sagot sa amin hindi niya daw alam,” wika ni Aurora.
Pumasok ng kung anu-anong trabaho si Aurora para maitaguyod ang dalawang anak. Taong 1980 nang lumuwas siya ng Maynila. Nakapagbakasyon din siya sa kanyang kapatid sa Australia dahil nakapag-asawa ito ng Australyano. “Naging katulong ako ng kapatid ko. Ang sahod ko dun sa nanay ko diretso para sa mga bata. Umuwi din ako nung 1984,” sabi ni Aurora.
Ilang taon na ang nakakalipas wala pa din silang balita tungkol kay Ely. Taong 2008 nang maisipan ng kanyang anak na panganay na beripikahin sa Social Security System (SSS) kung aktibo pa ang SSS nito. Dun na din nila nalaman na patay na si Ely. Sinubukan nilang mag-file para makakuha ng pensiyon si Aurora. Binigyan sila ng listahan ng mga dokumentong kailangan nilang kompletuhin. Kumuha siya Certificate of No Marriage sa Philippine Statistics Authority (PSA) at nalaman niyang apat silang pinakasalan ng kanyang asawa. Unang pinakasalan si Aurora. Noong ikapito ng Hunyo 1978 nagpakasal naman ito kay Pamela Fontana. Hulyo 16, 1983 kay Magdalena Javier at ang huli ay kay Josephine Mamalateo nung Abril 19, 1999.
“Kahit patay na siya galit na galit ako sa kanya. Nalaman ko pa na yung huling asawa ang nakatanggap ng pensiyon,” ayon kay Aurora. Agad siyang naghain ng petisyon para mahinto ang pensiyon. Ika-23 ng Hulyo 2014 naglabas ng order ang Social Security Commission (SSC) na pinirmahan ni Commissioner Diana Pardo-Aguilar.
Ayon dito hindi alam ng nagpepetisyon na si Aurora ang kinaroroonan ni Pamela at Magdalena kaya’t inaaprubahan nila ang petisyon nito na iparating ang summons sa mga ito sa pamamagitan ng publikasyon. Kailangang mailathala ito ng SSC sa pahayagan isang beses sa isang linggo sa dalawang magkasunod na linggo. Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga inirereklamo na makapagbigay ng kani-kanilang pleadings. Nais malaman ni Aurora kung may posibilidad bang makakuha siya ng pensiyon gayung apat silang pinakasalan ng kanyang mister. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Aurora.
BILANG TULONG kinapanayam namin si Ms. Lilibeth Suralvo ng SSS Main Office. Ayon sa kanya kailangan munang mahanap ang tatlo pang naging asawa nitong si Ely. Tinawagan niya din ang SSS Balanga upang alamin ang ilang detalye. “Doon nakatira ang pang apat na naging asawa niya. Php5, 916 ang natatanggap nito bawat buwan,” ayon kay Ms. Lilibeth. Kailangan din daw nilang masiguro kung may mga anak pa itong menor de edad. Nang malaman din ng SSS na apat ang pinakasalan nito ay agad nilang sinuspindi ang pensiyon.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa sitwasyong ito ni Aurora siya ang legal na asawa dahil siya ang unang pinakasalan. Ang mga sumunod ay na kasal ni Ely ay walang bisa sa simula pa lamang (‘Void ab initio’) dahil meron na siyang unang pinakasalan. Dahil patay na ang lalaki nahuhugasan na ang kanyang criminal liability sa mga babaeng kanyang pinakasalan na kung mula sa simula pa lamang hindi naman nila alam na may nauna sa kanila. Ang sinusunod ng SSS na kapag may menor de edad na anak ang kanilang miyembro na dapat makatanggap ng pensiyon nababahagian ang mga batang ito dahil wala pa silang kakayanan na kumita para sa kanilang kinabukasan at kahit sa kakarampot na halaga makatulong man lang sa kanila. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.