SI Sun Jifa ay isang magsasaka na nakatira sa probinsiya ng Jilin, China. Naputol ang pareho niyang kamay dahil sa isang aksidente 30 taon na ang nakararaan noong siya ay nangingisda pa gamit ang mga dinamita.
Hindi naman siya makabili ng mga prosthetics na puwedeng pamalit sa kanyang mga nawalang kamay dahil napakamahal ng mga ito. Kaya sa halip na magmukmok sa kanyang kalagayan ay nagpursige na lang si Sun na gumawa ng kanyang sariling prosthetics upang siya ay makapagtrabaho sa bukid ng kanyang pamilya na katulad ng isang taong walang kapansanan.
Sa tulong ng kanyang mga pamangkin, nakagawa si Sun ng mga homemade na prosthetics na gawa mula sa mga ni-recyle na kagamitan. Tumagal ng dalawang taon ang ginawa nilang pagdidisenyo pero sa huli ay nakagawa rin sila ng mga prosthetics na kasing epektibo ng mga nabibili sa merkado.
Gumagana ang kanilang mga ginawang prosthetics sa pamamagitan ng mga alambre at mga pulley na kinokontrol ni Sun sa pamamagitan ng kanyang mga siko. Sa tulong ng mga ito ay nagagawa na ni Sun na mamuhay nang normal at makapagtrabaho sa kanilang bukid.
Sa ganda ng kalidad ng kanilang mga nilikhang prosthetics, nagawa ni Sun at ng kanyang mga pamangkin na pagkakitaan ang kanilang kaalaman sa paggawa ng mga ito. Nakakagawa na sila ng humigit-kumulang 300 prosthetics upang ibenta sa halagang 3,000 RMB na katumbas ng P22,000 dito sa Pilipinas.