EDITORYAL – Ilipat sa isla ang Bilibid

NOON pa may nagsusuhestiyon na ilipat sa isang island ang New Bilibid Prison (NBP). Gayahin ang dating Alcatraz Prison (1934-1963) na nasa isang isla sa California. Kung nasa isang isla ang Bilibid, mahihirapan na marahil makagawa ng kabalbalan ang mga VIP (Very Important Preso) roon. Madaling mapapansin ang anumang gagawin. Wala marahil gaanong problema kung nasa isla ang Bilibid.

Nakakasawa na ang mga nangyayari sa NBP. Makaraang madiskubre noong nakaraang taon na patuloy ang illegal drug trade sa NBP at nagbubuhay-prinsipe ang mga convicted high-profile drug lord, may sumabog namang granada noong Huwebes na ikinamatay ng isang inmate at ikinasugat ng 19 na iba pa. Sumabog ang granada sa maximum security compound at namatay ang isang miyembro ng Sigue-Sigue Commando.

Makaraan ang pagsabog, agad na naghalughog ang mga awtoridad at nakakumpiska nang mara-ming baril, itak at iba’t ibang patalim sa loob ng compound. Ibig sabihin, matagal nang may mga armas ang bilanggo at naghihintay lang marahil ng pagkakataon para magamit ang kanilang mga sandata sa pakikipagsagupa at pakikipagrambolan.

Sa pagkakadiskubre sa mga sandata, muling lumutang ang mga katanungan kung paano at bakit naipasok ang mga armas sa loob? Dapat pa ba itong itanong? Kung ang Jacuzzi, king-size bed, bathtub, aircon, ref, alak, cell phones, gadgets, pera at droga ay naipasok para gamitin ng mga VIP, gaano nang maipasok ang mga granada at baril.

Talamak ang katiwalian sa NBP. Kumikita ang mga opisyal at guwardiya sa mga bilanggong may kaya. Pera lang ang katapat at tiyak na maipapasok ang anumang gustuhin.

Suhestiyon namin kay DOJ Secretary De Lima, alisin sa puwesto ang mga opisyal at tauhan ng Bureau of Corections (BuCor). Alisin din ang lahat ng prison guard. Palitan ng mga hindi corrupt. O mas maganda, ilipat sa isla ang Bilibid. Doon sa hindi mararating ng grabeng katiwalian at katakawan ng mga opisyal.

Magkatotoo sana ito sa hinaharap.

Show comments