PURO lang batay sa mga litratong nakukuha sa Mars ang mga teorya at analisis na lumalabas hinggil sa planetang ito. Tulad na lang ng sinasabing merong da-ting yelo, tubig o ilog dito noong unang panahon at iba pa. Isang malaking misteryo para sa mga scientist kung bakit naglaho ang tubig sa Mars kung meron nito dati doon. At wala pang matibay na pruweba na maaaring mabuhay doon bagaman namamalas ng mga dalubhasa sa Mars ang ilang katangian nito na kawangis sa ating daigdig. Sa ngayon, puro robot at computer lang ang pinapupunta at nagsasagawa ng pag-aaral sa Mars.
Matatagalan pa bago magpapunta ng astronaut sa Mars ang NASA, space agency ng Amerika, kaya kumilos na ang pribadong sektor para makapagpadala ng tao sa naturang planeta.
Isang Overseas Filipino Worker sa Qatar na si Willard Sollano Daniac ang kabilang sa mga nag-apply para makasama sa unang grupo ng mga tao na magtatayo ng kolonya sa planetang Mars. Sa loob ng buwang ito, ayon sa mga ulat, sasalang siya sa pangalawang yugto ng panayam ng Mars One, isang non-profit organization na nakabase sa Europe at naghahanda ng misyon sa pagpapadala ng mga unang tao sa pulang planeta sa taong 2025. Bukod kay Willard, mayroon pang 10 Pilipino na napiling sumama sa second round ng interbyu.
Sa mga panayam kay Willard, inamin niya na delikado ang naturang misyon dahil walang kasiguruhan na maaaari silang mabuhay sa Mars at, kung sakali, doon na sila mamamatay. Hindi na rin sila makakabalik sa Daigdig dahil wala pang naiimbentong teknolohiya para mangyari ito. At walang katiyakan kung dadating sila nang buhay sa Mars dahil sa mga peligrong maaari nilang suungin habang bumibiyahe papunta sa katabing planeta ng Daigdig. Pero pursigido siya sa kanyang ginagawa. Matagal na raw niyang pangarap na makarating sa ibang planeta at sinasamantala niya ang pagkakataon na masagot ang matagal nang palaisipan sa kanya kung maaaring mabuhay ang tao sa Mars. Kaya nga nahilig siya sa pag-aaral sa astronomiya at physics at nagsaliksik siya ng mga kaalaman tungkol sa pulang planeta.
Iginiit niya na wala nang makakapigil sa kanya kahit ang mga mahal niya sa buhay na nakakabatid na rin sa kanyang ‘misyon.’ Nagtatrabaho si Willard bilang electrical inspector sa isang kompanya sa Kahramaa (General Electricity and Water Corporation) sa Doha, Qatar. Ayon sa ulat, mga OFW din na tulad niya na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa ang iba pang mga Pilipinong aplikante sa Mars mission.
Bago sa Mars One, nag-apply din palang volunteer si Willard sa European Space Agency pero tinanggihan siya dahil hindi kabilang ang Pilipinas sa mga organisasyon sa daigdig na merong programa sa space exploration. Kaya nagagalak siya na nakapasok sa listahan ng Mars One.