‘Walang tumutulong grasya’
“ANIM na buwang puro trabaho ang anak ko. Nagbabanat ng buto. Tinitiis ang lahat sa ngalan ng kapakanan ng pamilya,” ayon kay Melba.
Matagal nang pinapangarap ng anak ni Melba Ellazo, 55 taong gulang, nakatira sa Western Samar na si Rhomel-35. May kababayan silang si Panfilo na ahente ng Placewell International Services Corp. Ayon dito may bakante daw trabaho sa Saudi bilang ‘welder’.
“Inayos ng anak ko lahat ng dokumentong kakailanganin niya pati ang pasaporte. Disyembre nang magpunta siya ng Maynila,” sabi ni Melba.
Agad na sumailalim sa ‘medical examination’ si Rhomel at pinagbayad din ng ahensiya ng ‘processing fee’ na nagkakahalaga ng labing apat na libong piso. Isang nagngangalang Violy ang kanyang ahente. Inasikaso siya nito kaya’t nakaalis kaagad nung ika-30 ng Enero 2013.
“Halagang 1500 Riyals ang sahod ng anak ko dun. Maliban pa sa matatanggap niyang allowance na 250 Riyals. Nung simula wala siyang naging problema,” kwento ni Melba. Dagdag pa ni Melba nang manalanta ang bagyong Yolanda nagpadala pa ang anak ng pera sa kanila para may ipambili ng gamit at ilang pangangailangan.
“Sirang-sira ang bahay namin nun. Kahoy na lang ang natira. Nakisilong lang kami sa tiyahin ko,” wika ni Melba.
Mabuti na lamang daw at nasa mataas na lugar ang kanilang bahay kaya’t hindi nalimas ng baha. Ang pinaka kalaban nila ng mga panahong yun ay ang malakas na hanging bumabayo sa kanilang mga tahanan. Sampung libo ang unang ipinadala ni Rhomel. Nagpadala din ito ng pambili ng gamit para maayos ang kanilang tahanan.
“Madalas kong nakakausap ang anak ko kaya’t alam niya ang nangyayari sa amin. Naikwento niya din sa ‘kin ang tungkol sa trabaho niya,” sabi ni Melba.
Balita daw ng anak sa kanya, bumababa ang kita ng kompanyang Bader H. Al-Hussaini and Sons. Co. for Trading and Constracting kung saan siya ay nanunungkulan bilang ‘Assistant Plumber’.
“Pagdating ng Hunyo 2014 hindi na sila sinasahuran. Kasama niya din dun sa trabaho ang isa naming kamag-anak na si Allan Sebandal. Pareho silang walang sahod,” pahayag ni Melba.
Nang pumatak ang pangatlong buwan na wala pa ding sahod si Rhomel tumawag na sa Placewell si Melba. Isang ‘Tricia’ ang nakausap niya at sinabing inaayos na daw ng ahensiya ang problema.
“Ayon daw sa kanila pumunta na ng Saudi yung tinatawag nilang Madam para kausapin ang employer ni Rhomel at alamin kung ano talaga ang nangyayari,” sabi ni Melba.
Sa kasalukuyan nasa Taif sina Rhomel at ang pinakaopisina nila ay nasa Al Khobar. Tuluy-tuloy ang pagtatanong at paghingi ng balita ni Melba sa ahensiya ngunit paulit-ulit lang daw ang sagot nito sa kanya.
“Lagi nilang sinasabi na inaayos na nila. Ilang buwan na ang dumaan wala pa ring sahod ang anak ko,” ayon kay Melba.
Sa ganitong sitwasyon ayaw na daw magtrabaho ng kanyang anak dahil nasasayang lang ang kanilang pagod. “Nagpaalam ang anak ko na uuwi na lang ng Pilipinas pero ayaw naman nilang bigyan ng exit visa,” ayon kay Melba. Nung huli daw siyang tumawag sa ahensya wala na siyang sagot na makuha dito. Hindi daw siya marinig gayung parehong numero lang naman ang kanyang tinatawagan. Ang hinihiling ni Melba pauwiin na lang sana ang kanyang anak kaysa mahirapan doon. Wala na itong kinikita at baka maubos na ang panggastos nito. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Melba.
BILANG AGARANG aksiyon kinapayam namin sa radyo si Administrator Hans Leo Cacdac ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Nangako si Admin Cacdac na tutulungan niya si Melba. Nagbigay din siya ng mensahe para sa ating mga kababayan na bago mag-apply o magbayad ng kahit na ano sa ahensya ay siguraduhin munang ‘accredited’ ito ng POEA.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang paniningil ng ‘placement fee’ ay dapat naipasok na ang aplikante sa trabaho sa ibang bansa. Hindi din dapat lalampas ng isang buwang sahod ang sisingilin sa kanila.
Hindi din dapat singilin ng placement fee ang mga ‘seafarers’ at ‘domestic workers’ at ang mga nasa bansang Canada, Ireland, New Zealang, Netherland, United Kingdom at ang United States of America.
Para naman makaiwas kayo sa mga ‘illegal recruiters’ maaari kayong magsadya sa website ng POEA ang www.poea.gov.ph upang alamin kung accredited ba ang inyong pinapasukan. May makabago din naman silang paraan para makahanap kayo ng trabaho sa ibang bansa na hindi na ninyo aalahanin na baka kayo’y maloko.
Sa pinakabagong balita tungkol sa kasong ito, matapos magtungo sa POEA si Melba ay kinausap ng tanggapan ang Placewell at humihingi sila ng palugit hanggang Enero 31, 2015 at nangako na mapapauwi na si Rhomel. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest