Nalagay na naman kahapon sa kontrobersiya ang New Bilibid Prison (NBP) matapos ang naganap na pagsabog sa maximum security compound kung saan isang bilanggo ang iniulat na nasawi habang 19 pa ang sugatan at dalawa sa mga ito ang nasa kritikal na kalagayan.
Hindi pa malinaw kung sinadya o aksidente ang naganap na pagsabog na base sa inisyal na ulat ay isang MK-2 fragmentation grenade.
Sumentro ang pagsabog sa gate ng Building 5 Delta ng maximum compound kung saan nakapiit ang mga miyembro ng Commando gang.
Ke sinadya o aksidente ang nangyaring pagsabog, ang muling malaking tanong dito eh paano nga bang naipasok sa loob ang ganitong mga pampasabog.
Ibig din lang sabihin , meron pa ring ganitong mga armas at pasabog sa loob sa kabila ng mga isinagawa nang raid ng mga awtoridad.
Sa paunang ulat, lumalabas na gang war ang motibo sa insidente.
Naganap ang pagsabog, matapos ang isinagawang pagsalakay dito ng mga awtoridad kamakailan.
Sa isinagawang imbentaryo pa rin kahapon, matapos ang serye ng pagsalakay sa mga kubol ng mga bilanggo dito, abay, sangkaterbang matataas na kalibre ng baril, mga bala, pasabog at iba pang deadly weapons pala ang nasamsam.
Isama pa ang mga malalaking halaga ng cash na nakuha sa kubol ng mga high- profile inmate na nasentensiyahan sa kaso ng ilegal na droga.
Mukhang tumatagal ang isinasagawang pagbusisi o imbestigasyon ng NBI sa nabulgar na kontrobersiyang ito sa piitan. Hindi nga ba’t matapos mabulgar ang magarbong pamumuhay ng ilang preso dito eh tumindi na ang panawagan para sa top to bottom revamp sa buong Bureau of Corrections.
Sa naganap na pagsabog kahapon, inaasahan na mas titindi pa ang kaguluhan dahil sa posibleng pagganti ng ibat-ibang gang.
Ito ang dapat na matinding tutukan at mabantayan, para panibagong kaguluhan eh maiwasan.