SUKDULAN ang pagmamahal ng isang lalaki sa United Kingdom para sa kanyang alagang goldfish kaya naman gumastos siya ng £300 para mailigtas ang buhay nito.
Napansin ng lalaki, na hindi na pinangalanan sa balita, na hindi mapakali ang kanyang alagang isda kaya dinala niya ito sa beterinaryo upang maipasuri. Napag-alamang may malubha itong kaso ng impatso na maaring ikamatay nito. Sinabihan ang lalaki na kakailanganin ang isang operasyon upang masigurado na hindi mapapasama ang kondisyon ng kanyang alaga.
Pumayag ang lalaki sa payo ng mga beterinaryo ngunit agad siyang umatras nang malaman niya ang £300 na kailangang gastusin para sa magiging operasyon ng kanyang isda. Kung tutuusin kasi ay napakalaki kasi ng nasabing halaga para sa £3 o P200 na presyo ng goldfish nang bilhin niya ito.
Ngunit hindi rin natiis ng lalaki ang kanyang alagang isda kaya pumayag na rin siyang gumastos ng nasabing malaking halaga upang maisalba ang buhay nito.
Inoperahan ng halos isang oras ang goldfish na tinurukan pa ng anesthesia para hindi ito masaktan sa pag-aalis ng mga nakabara sa bituka nito. Naging matagumpay naman ang operasyon at nagawang makapagpagaling ng isda.
Ayon sa beterinaryong nag-opera sa goldfish ay ngayon lang daw niya nagawang mag-opera sa isang mumurahing goldfish dahil ang £300 na operasyon na kanyang ginawa ay karaniwang ginagawa lamang para sa mga mamahaling alagang isda katulad ng mga karpa.
Umaabot sa 10 taon ang buhay ng mga goldfish kaya masasabing bata pa ang inoperahang goldfish na 2 taon pa lamang.