“MALAKI ang kasalanan ko sa aking mga anak na sina Princess at Precious. At palagay ko, hindi nila ako mapapatawad,” sabi ni Diana habang pinapahid ang luha.
“Ikaw pala ang asawa ni Manong Wen?”
“Oo. Malaki ang kasalanan ko kay Wen. Naging mahina ako sa tukso. Masyado akong nadala ng mga pambobola at matatamis na pangako. Pero pinagsisihan ko na ang mga iyon. Ganap ko nang iwinaksi ang masamang kahapon.’’
“Ano po ang gusto mong mangyari ngayon? I mean, bakit ako ang hinanap mo?”
“Alam ko ikaw lamang ang makakatulong sa akin sa pagkakataong ito. Mabuti kang tao, Jo at nakikiusap akong tulungan mo. Maawa ka sa akin. Sobra-sobra na ang pagsisisi ko. Bago man lang ako mamatay, mapatawad sana ako ng mga anak ko. Please tulungan mo ako!’’
Hindi makasagot si Jo. Paano ang gagawin niya? Parang naiipit siya sa dalawang bato. Kailan lang, napag-usapan nila ni Princess ang tungkol sa ina --- at nasabi nito na hindi niya mapapatawad ang ina. Walang kapatawaran ang ginawa ng ina sa kanyang ama (Manong Wen) kaya kahit anong mangyari, hindi niya ito mapapatawad.
“Matutulungan mo ba ako Jo?”
“E teka po Mam Diana. Naguguluhan po ako.’’
“Gusto ko lang mapatawad nila. Kapag nangyari iyon, maligaya na ako. Kahit mamatay, handa na ako!”
Nag-isip si Jo. Paano ang gagawin niya?
“Huwag kang mag-alala Jo sa mga gagastusin o kakaila-nganin para mapatawad ako ng mga anak ko. Marami akong pera, Jo. Nakapag-asawa ako ng matanda at mayamang Australyano at pinamana lahat sa akin ang ari-arian at maraming pera. Namatay ang Australyano last year. Ang condominium na ito ay isa lamang sa aking pag-aari. May realty business ako at iba pang negosyo. Lahat nang negosyo ko, kina Princess at Precious mapupunta.’’
Hindi makapaniwala si Jo. Mayaman na mayaman na pala ang babaing ito. Saganang-sagana sa pera.
“Kumusta naman ang mga anak ko Jo?’’
“Mabuti po.’’
“Alam mo gusto kong magtungo sa probinsiya pero natatakot ako. Baka kung ano ang gawin sa akin ng dalawa kong anak.’’
“Matatapos na si Princess sa college samantalang matatapos na sa high school si Precious. Napakaganda po nila.”
Napaiyak na naman si Diana. Halatang sabik na sabik sa dalawang anak.
“Matutulungan mo ba ako, Jo?’’
Napabuntunghininga si Jo.
“Sige po, tutulungan kita.’’
Napaiyak pa si Diana sa katuwaan. (Itutuloy)