ISANG panaderya sa Spain ang dinadayo ngayon ng mga mayayamang mamimili dahil sa ginagawa nitong mga tinapay na may kakaibang sangkap.
Bukod kasi sa mga pangkaraniwang sangkap sa paggawa ng tinapay ay mayroon ding ginto ang mga tinapay na ibinebenta ng Pan Piña Bakery na nasa maliit na bayan ng Algatocin.
Dahil sa gintong sangkap, umaabot sa $150 (mahigit sa P6,000) ang presyo ng bawat tinapay. Pitong dekada na ang bakery at gumagawa ito ng lampas 50 klase ng mga tinapay. Sa 50 ito ay walang duda na ang kanilang gintong tinapay ang pinakamahal at pinakakilala.
Naisip ng may-ari ng Pan Piña Bakery na si Juan Ma-nuel Moreno na haluan ng ginto ang kanyang mga tinapay nang minsang mabalitaan niya ang mga napakamahal na kapeng ibenebenta sa ibang rehiyon sa Spain. Pinagpasyahan niya ring gumawa ng mga mamahaling tinapay na magpapasikat sa kanyang maliit na bayan.
Hindi naman nabigo si Juan Manuel dahil dinadayo pa ng mga turista ang bayan ng Algatocin para lamang makabili ng kanyang gintong tinapay.
Aminado naman si Juan Manuel na pulos mapeperang mamimili na gusto lamang ipagmalaki ang kanilang yaman ang mga bumibili ng kanyang tinapay dahil siya na rin mismo ang nagsasabing walang nadadagdag sa lasa ng tinapay ang gintong inilalagay sa kanyang produkto.