ISANG bagong taxi ang pumapa-sada ngayon sa mga lansangan ng St. Petersburg sa Russia. Ang bagong taxi ang sinasabing pinakaligtas na taxi sa buong Russia.
Kakaiba kasi ang taxi dahil isa itong dating military tank o armored-personell carrier (APC) na ginawang pampublikong sasakyan.
Sa unang tingin, kakaiba na gawing isang taxi ang tangke na isinasabak sa giyera pero marami itong kalamangan kaysa karaniwang taxi.
Maluwag kasi ang loob ng tangke at kaya nitong lumusong sa mga baha. Sa katunayan, kayang-kaya nitong itawid ang mga sakay nitong pasahero sa ilog Neva na nasa St. Petersburg. Malaking bagay ito para sa mga residente ng nasabing siyudad dahil re-gular na isinasara ang tulay na tanging daanan upang matawid ang ilog. Ligtas din ang taxi dahil armado ito ng dalawang malalaking machine guns kaya imposibleng ma-carjack o maharang ng masasamang loob.
Bukod sa pinturang pula sa tangke upang magmukhang pangsibilyan, hindi na masyadong binago ng may-ari ang kanyang tangke upang maranasan ng mga pasahero ang pakiramdam ng nakasakay sa isang totoong military tank.
Hindi mura ang pagsakay sa tangke dahil umaabot sa 5,000 rubles (mahigit P3,800) ang pamasahe rito. Sa kabila nito, marami pa ring sumasakay sa kakaibang taxi na ito dahil maraming turista ang handang magbayad nang malaki maranasan lang kung paano sumakay sa isang tunay na tangke.