KUNG paniniwalaan ang mga researcher ng Johns Hopkins University School of Medicine sa Baltimore sa Amerika, masisisi rin ang kamalasan sa pagkakaroon ng sakit na kanser. Parang itinakda talaga ng kapalaran na magkaroon ka ng ganitong karamdaman at hindi ka na makakaiwas. Kaya nga tinawag nilang malas.
Ayon sa kanilang pananaliksik na nalathala umano sa journal na Science at ipinoste sa iba’t ibang science sites sa internet, isa pang peligro sa pagkakaroon ng kanser ang malas kapag nahahati ang mga selula sa katawan ng isang tao. Bukod pa ito sa iba pang sanhi ng kanser tulad ng masamang sistema ng pamumuhay (paninigarilyo, pag-inom ng alak, pagkain ng mga karne, kawalan ng ehersisyo at iba pa) at ng lahi (may mga kanser kasi na namamana sa pamilya ng isang tao).
Ipinahihiwatig sa kanilang analisis na ang tinatawag na genetic mutation na lumilitaw tuwing nahahati ang mga stem cell sa katawan ng tao ay isa sa malaking dahilan o nag-aambag sa pagkakaroon ng kanser sa pangkalahatan. Kaya tinawag nilang isa itong kamalasan kapag nangyari sa isang tao dahil habambuhay ay nahahati ang kanyang mga stem cell. At natural na nangyayari ang genetic mutation.
Pero umaasa sila na ang resultang ito ng kanilang pananaliksik ay magbubunsod sa ibayo, mas maaga at bagong paraan ng pagtukoy sa sakit na kanser na hindi masasawata sa pagbabago lang ng lifestyle.
Ayon naman kay Habibul Ahsan, isang professor ng epidemiology, medicine and genetics ng University of Chicago Medical Center, nakaiintriga ang naturang pananaliksik pero nagpapahina rito ang kakulangan ng datos sa breast at prostate cancer na dalawa sa pinakakaraniwang uri ng kanser. Kailangan anya ng dagdag pang mga pananaliksik para malaman kung bakit naghahati ang mga stem cell sa iba’t ibang uri ng mga kalamnan sa katawan ng tao.
Sabagay, hindi pa rin maituturing na konklusibo ang resulta ng pag-aaral ng mga taga-Johns Hopkins. Isang bahagi lang sila sa pandaigdigang pamayanan ng agham. Dapat magtugma ito sa iba pang pag-aaral at pananaliksik ng iba pang mga scientist sa mundo para mapatunayan kung tama.