TAPOS na ang holiday break o ang bakasyon simula noong Pasko hanggang sa pagpalit ng bagong taong 2015.
Panibagong hamon na naman sa mga Pinoy ang makipagsapalaran sa kanilang buhay sa kabila ng mga balita at kaganapan sa pamahalaan.
Tulad ng matagal ko nang sinasabi sa aking programa sa telebisyon at radyo maging sa kolum na ito, magiging mas masalimuot pa ang taong ito sa taumbayan.
Isa sa mga pangunahing dahilan, ang 2016 national elections. Kung saan, mas magiging magulo pa ang pamumulitika sa pulitika.
Mas marami pang isyu at kontrobersiya ang maglulutangan. Ang mga naghahangad ng posisyon sa gobyerno, siguradong kani-kaniyang ungkatan ng baho na magiging basehan ng kanilang pagbabatuhang-putik.
Kung hindi magiging matalino si Juan at Juana Dela Cruz sa pag-aanalisa sa mga balitang lumalabas sa media, marami ang matu-tsubibo.
Sariwa pa sa publiko ang mga kontrobersiya nitong mga nakaraang taon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Huwag na tayong lumayo, ito na lamang 2014 ang balik-tanawin.
Naungkat ang iba’t ibang modus at baho ng maraming may katungkulan sa pamahalaan gayundin ang ilang mga personalidad na biglang-sikat dahil sa kanilang pakikipagsabwatan umano sa pandarambong at katiwalian.
Ito ang dapat bantayan ng taumbayan ngayon at sa mga susunod na buwan. Amuyin at kilalaning mabuti ang bawat nagsasalita at nakikita ninyo sa mikropono at kamera.
Isa ang BITAG Live sa mga programa sa telebisyon at radyo na matalinong nag-aanalisa sa bawat isyu at kaganapan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.