EDITORYAL - May bata na namang namatay sa ‘ligaw na bala’

NAULIT ang nangyari kay Stephanie Nicole Ella noong Disyembre 31, 2014 na tinamaan ng ligaw na bala habang nanonood ng mga nagpa­paputok ng firecrackers sa Caloocan City. Sa pagkakataong ito, isang 11-anyos na batang babae naman sa Bgy. Bumagcat, Tayum, Abra ang biktima. Naglalaro sa labas ng kanilang bahay ang bata dakong 12:20 ng hatinggabi nang biglang bumagsak. Kasunod ay ang paglabas ng dugo sa mga taynga nito. Isinugod ang bata sa ospital pero namatay din dakong alas-tres ng madaling-araw.

Ayon sa Philippine National Police (PNP) bala mula sa kalibre .45 ang nakapatay sa bata. Nana­wagan ang pulisya sa sinumang nakakita sa nagpaputok na lumantad para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng bata. Ayon sa magulang ng bata, Grade 4 na ang kanilang anak at matalino.

Halos kasabay naman ng insidenteng iyon, isang 13-anyos na dalagita sa Tala, Caloocan City ang tinamaan ng bala sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo. Naglalakad umano ang dalagita nang may maramdamang tumama sa kanyang ulo. Inakala umano ng mga kasama ng dalagita na bato lamang ang tumama sa ulo pero nang makaranas ito ng pagsusuka at pananakit ng ulo ay dinala na nila sa Jose Rodriguez Hospital sa Caloocan. Tinahi ang sugat na inakalang tinamaan lamang ng bato. Ganunman, nang isailalim sa x-ray ang dalagita, nakita ang bala sa ulo nito. Dinala sa East Avenue Medical Center ang bata at nakatakdang operahan.

Naulit ang nangyari kay Nicole. Namatay siya sa ligaw na bala at hanggang ngayon, hindi pa nabibigyan ng hustisya. Ganito rin kaya ang kahihinatnan ng bagong kaso na nangyari sa Abra at sa Caloocan?

Kumilos naman sana ang PNP para madakip ang nakapatay sa batang babae sa Abra at ganundin sa biktima sa Caloocan.

Ipakita ng PNP na hindi sila tumitigil sa pag-iimbestiga.

 

Show comments