Manong Wen (160)
“LAGI akong nag-iingat, Princess,’’ sabi ni Jo at hinawakan ang kanang palad ni Princess at pinisil. Ginantihan naman ni Princess nang pisil si Jo.
“Kailan ka babalik dito, Jo?’’
“Babalik din agad ako. May inaayos lang akong mga papeles sa banko. May kaugnayan sa mga bank deposits ko. May time deposits ako at kailangang i-update. Kasi hindi ko nagawa nung busy tayo sa paghanap kay Chester. Ang laki ng pera ko sa banko, Princess kaya hindi ko basta balewalain. Di ba malaki ang napanalunan ko sa lotto habang nasa Saudi nun.’’
“Oo nga nabanggit mo sa akin.’’
‘‘Alam mo bang ang tubo lang ng time deposit ko ang nagagastos? Kaya nga wala akong kakaba-kaba kapag naging mag-asawa na tayo. Sobra-sobra ang pera natin. Yun ding natanggap kong separation pay sa Saudi employer ko ay hindi pa rin halos nababawasan.’’
“Meron din naman akong iaambag sa pagpapakasal natin, Jo. Di ba may share din ako sa reward natin sa pagkakahuli kay Chester. Magbibigay ako ng share sa gastos natin…”
“Sino naman ang maysabi na pagagastusin kita? Hindi ko nga halos mabawasan ang pera ko e mag-aambag ka pa? Gamitin mo ang iyong pera sa pag-aaral at kung gusto mo, sa negosyo. Ilaan mo sa negosyo, Princess. Paunlarin mo ang negosyong bibingka. Diyan ka eksperto di ba. Patok na patok ang bibingka mo kaya palagay ko, diyan ka uunlad.’’
“Iyan nga ang balak ko noon pa, Jo. Gusto ko magtagumpay bilang entrepreneur. Yun bang mula sa maliit na negosyo ay lumaki at naging matagumpay. Tulungan mo ako, Jo.’’
“Siyempre naman. Kaya nga ako narito ay para ka suportahan.’’
“Salamat Jo. Talagang hindi ako nagkamali sa pagpili sa’yo. I love you, Jo.’’
“I love you too, Princess.’’
Pinisil ni Jo ang palad ni Princess.
‘‘Gusto ko, magkaroon ng branches ang bibingkahan ko kapag establisado na. Ano sa palagay mo, Jo.’’
“Walang imposible. Pero kailangan mag-isip tayo ng magandang pangalan ng negosyo mo. Kailangan yung name na tatatak sa isipan ng customer.’’
“Ano kayang magandang name, Jo?’’
‘‘Puwede sigurong BIBINGKA NI PRINCESS o kaya PRINCESS BIBINGKA.’’
“Hindi kaya bastos ang dating?’’
“Parang may ibig sabihin ano, he-he-he!’’
“Puwedeng PRINCESS na lang?’’
“Puwede. Sige PRINCESS na lang ang name.”
NANG muling lumuwas sa Maynila si Jo, hindi niya inaasahan na makikitang muli ang babaing nakita niya sa Recto Avenue. Hindi na sana niya papansinin pero siya ang tinawag ng babae.
“Mister, sandali lang. Puwede kang makausap?’’
Tumigil si Jo.
(Itutuloy)
- Latest