Manong Wen (158)

“MASKI nang nakaburol si Tatay, hindi nagpakita si Nanay. Kinalimutan na niya talaga kami. Alam ko naman na kahit paano, nabalitaan niya ang pagkamatay ni Tatay pero wala talaga siya. Pinabayaan na niya kami ni Precious na pasanin ang mabigat na dalahin sa pagkamatay ni Tatay. Di ba kung mayroon ka pang natitirang konsensiya, lulutang ka at hihingi ng tawad at mangangakong hindi na gagawin ang nangyari. Pero wala na siyang konsensiya. Kaya hindi ako masisisi kung bakit ganoon na lamang ang galit sa aking ina. Minsan nga nasabi ko na sana ay siya na muna ang kinuha ng Diyos kaysa kay Tatay.  Sana siya na muna ang nawala!’’

Tumigil sa pagsasa­lita si Princess. Halatang iiyak pero pinigil ang sarili. Siguro’y dahil may ilan nang tao sa paligid at kumakain.

Makaraan ang ilang saglit ay muling nagsalita, “Kung sana habang si Tatay ay nakaratay sa sakit at dumating si Nanay para humingi ng tawad bakasakaling napatawad ko siya. Bakasakaling lumambot ang puso ko at muling nabuo ang aming pamilya. Maaari ko namang kalimutan ang mga nangyari. Basta humingi lang siya ng tawad noon kay Tatay. Pero hindi man lang siya nag-attempt. Wala talaga!’’

Noon nagkaroon ng lakas ng loob si Jo na magtanong.

“Meron ka bang balita sa kanya ngayon?”

“Wala. At wala na akong interes na may malaman pa sa kanya.’’

Napatango na lang si Jo.

Binuo nila ang plano ukol sa kasal. Nagkasundo sila kung saang simbahang gagawin at kung saan idaraos ang reception. Ang pag-uusapan nila sa mga susunod na araw ay ang mga ninong at ninang. Sabi ni Princess, mas matagal na paghahanda, mas maganda.

ISANG araw na lumuwas ng Maynila si Jo para asikasuhin ang kanyang mga nakadepositong pera sa banko, may napansin siyang babae na nakatingin sa kanya. Nag­lalakad siya noon sa Recto Ave. nang mapansin ang babae na sa tantiya niya ay mga 55 years old. Maganda.

(Itutuloy)

Show comments