ISANG typist sa India ang nagtala ng bagong world record sa pamamagitan ng pagta-type gamit ang kanyang ilong.
Ginamit ni Mohammed Khurseed Hussain, 23, ang kanyang ilong upang makapagtipa ng 107 salita sa isang computer keyboard at maging isang world record holder. Nagawa niya ang lahat ng ito sa loob lamang ng 47.44 segundo.
Habang nakatali ang kanyang kamay sa kanyang likuran ay tinipa ni Mohammed ang keyboard gamit ang kanyang ilong ang mga susunod na pangungusap: “Guinness World Records has challenged me to type this sentence using my nose in the fastest time.”
Matagal na nag-ensayo si Mohammed upang makuha ang kanyang world record. Umaabot sa 6 na oras kada-araw ang ginawa niyang practice upang mapabilis niya ang kanyang kakayahang mag-type gamit ang kanyang ilong.
Binura ni Mohammed ang dating world record na 1 minuto at 33 segundo na naitala noong 2008 ng isang taga-Dubai. Hindi rin ito ang unang beses na naging world record holder si Mohammed. Ito na ang kanyang pangalawang beses dahil nakuha niya ang kanyang unang world record nang mai-type niya gamit ang kanyang mga daliri ang parehong pangungusap sa loob lamang ng 3.43 segundo.