BAGO pa man ang holiday season, makailang beses nang nagbabala ang BITAG Live sa iba’t ibang modus sa mga pampublikong lugar lalo na sa mga dinarayong pampublikong pamilihan.
Bukod kasi sa andyan na ang mga petty crime o mga maliliit na krimen kung ituring tulad ng laslas, dukot, salisi, laglag-barya at mga kauri nito, nagkukuta rin ang mga manlilinlang at manloloko.
Sa sobrang siksikan at punuan kasi ng mga tao mas madali sa mga kriminal na isagawa ang kanilang aktibidades at modus operandi.
Nitong mga nakaraang araw, isang ginang ang nagpadala ng kaniyang sumbong sa aming email, bahalasitulfo@hotmail.com.
Inirereklamo niya ang modus umano ng ilang mga tindero at tindera ng damit sa Divisoria kung saan siya namili at mismong nabiktima.
Ayon kay “Jackie,” bumili siya ng t-shirt na panlalaki. Naengganyo daw siya sa alok na 2 for P150 na paninda.
Pero, sa P1,000 daw na ibinayad ng ginang, P350 lang ang isinukli sa kaniya ng tindero. Nang sinabi ni Jackie na isanlibo ang kaniyang inabot, pinagpilitan daw ng kumag na P500 lang ang ibinayad ng kustomer.
Tinakot din daw siya ng mga kasamahan ng kolokoy na huwag nang magreklamo dahil pulis daw ang may-ari ng tindahan.
Estilong kuyog at tipikal na palit-kwartang modus kung pagbabasehan ang sumbong ni Jackie.
Sinubukan din daw ng pobreng ale na isumbong sa nakasalubong na nagrorondang lespu ang insidente pero hindi daw siya nito pinansin bagkus sinabihan pang huwag daw siyang mag-eskandalo.
Wala namang masamang mamili sa mga dinarayong pampublikong pamilihan tulad ng Divisoria. Hindi rin ako nananakot sa mga gustong pumunta sa lugar at bumili ng maramihan at murang mga produkto.
Layunin lang ng kolum na ito na bigyan ng babala at pag-ingatin ang mga parokyano sa iba’t ibang uring modus upang hindi masalisihan at maloko.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.