SA isang sikat na Chinese restaurant sa bayan nagtungo sina Jo at Princess. Wala pang mga customer sa restaurant kaya nakapamili sila nang upuan na malayo sa iba pang kumakain. Gusto ni Jo na makapag-usap sila nang masinsinan ni Princess. May kinalaman sa kanilang pagpapakasal ang pag-uusapan. Gusto ni Jo na maihanda nang maayos ang kanilang pagpapakasal. Gusto niya, engrande iyon. Hahandugan niya nang maayos na kasal si Princess.
Umorder muna sila ng pagkain. Habang kumakain, pinag-usapan na nila ang mga plano.
‘‘Gusto ko pagka-gra-duate mo, pakasal na agad tayo. Isang linggo makaraan kang maka-graduate okey sa’yo,’’ tanong ni Jo.
“Oo. Gusto ko ‘yun, Jo.’’
‘‘Huwag na nating pagtagalin dahil nagiging gu-rang na ako.’’
Napahagikgik si Princess.
‘‘Hindi ka pa naman gurang. Wala ka pa namang fifty.’’
‘‘Oo nga pero gusto ko nang maka-assemble sa magandang babaing katulad mo.’’
‘‘Hoy may makarinig sa’yo, baka sabihin e yabang natin.’’
“E talaga namang maganda ka. Gusto mo ipagsigawan ko pa.’’
Palihim na kinurot ni Princess si Jo sa braso. Napaiktad si Jo.
‘‘Saang simbahan mo gusto tayong pakasal, Princess?’’
“Gusto ko sa simbahan dito sa bayan. Noon kasi, nasabi ni Tatay sa akin na gandang-ganda siya sa simbahan dito. Dito rin kasi sila ikinasal ni Nanay noon. Naalala ko, sabi ni Tatay, umuulan daw nang ikasal sila ni Nanay. Bigla raw bumuhos ang malakas na ulan. Nagtataka raw siya dahil maganda naman ang panahon nang umagang iyon. Pero nang ginagawa na raw ang seremonya, biglang kumulog at kumidlat at bumuhos ang napakalakas na ulan. Bumaha pa raw…’’ Tumigil sa pagsasalita si Princess. Pagkaraan ay nagpatuloy sa pagsasalita. ‘‘Alam mo ang naisip ko nang ikinukuwento ni Tatay ang pagpapakasal nila ni Nanay, sa simula pa lamang bumabagyo na, masama na ang panahon, bumaha, maraming hindi inaasahang nangyari. Palagay ko, pangitain iyon na hindi maganda ang pagsasama nila. Tingnan mo ang nangyari, nanlalaki si Nanay. Sumama sa ibang lalaki habang si Tatay ay nagpapakahirap sa pagtatrabaho sa Saudi. Hindi ko alam kung bakit naisip ni Nanay na pagtaksilan si Tatay. Napakabait ni Tatay. Walang kasingbait na ama sa mundo. Kaya nang mamatay si Tatay, palagay ko ba ay nagunaw na ang mundo. Walang kasing sakit ang nangyari. Bakit si Tatay pa ang nawala? Bakit hindi na lamang si Nanay?’’
Hanggang sa hindi namamalayan ni Princess ay nag-uunahan na ang dalawang butil ng luha sa pag-agos sa kanyang mga pisngi.
Nakatingin si Jo sa kasintahan. Nakadama siya ng awa kay Princess. Hindi niya ito masisisi kung bakit nasabi na bakit hindi na lamang ang nanay nito ang namatay?
Mahal na mahal ni Princess ang kanyang tatay na si Manong Wen kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin nito mapatawad ang kanyang nanay na nagtaksil. Hindi nito malimutan ang pangyayari na umiyak ang kanyang tatay makaraang malaman na nagtaksil ang ina. Pakiramdam nga ni Princess, naguho ang mundo. Kawawang-kawawa ang kanyang ama. Nagpakahirap ito sa Saudi pero pagbalik, nahuling nakikipag-ulayaw ang asawa sa ibang lalaki.
“Paano kung sa mismong araw ng kasal natin ay dumating ang iyong ina, Princess, tatanggapin mo?’’ tanong ni Jo.
“Hindi!”
(Itutuloy)