ISANG librong pambata ang ginawa ko para sa UNICEF Manila tungkol sa kawalan ng tamang palikuran sa marami pa ring lugar sa ating bansa, lalo na sa ilang baryo ng malalayong lalawigan. Tinalakay ko rin doon ang papel ng langaw sa pagkakalat ng mikrobyo patungo sa tao.
Dahil ngayon ay panahon ng Kapaskuhan, minabuti kong talakayin ang ilang bagay-bagay tungkol sa mga langaw na umiikot-ikot sa ating mga tahanan lalo na at may handaan. Malaking tulong ang librong “Insekto sa Pilipinas” nina Dr. Lilian de las Llagas at Dr. Nelia Salazar (inilathala ng Sentro ng Wikang Filipino), guro sa UP College of Medicine, para higit nating maunawaan ang mga langaw na ito.
Q. Ano ang dahilan ng pananatili ng langaw sa isang lugar kahit medyo malinis na ang kapaligiran?
A. Ang pagkakaroon ng tumpok ng basura. Madaling maakit dito ang mga langaw. Isa ito sa gusto nilang pangitlugan (bukod sa pupu at sugat ng hayop). Dapat na takpan ang mga basurahan o itapon nang maayos ang mga basura.
Q. Nangangagat ba ang mga langaw?
A. May langaw na nangangagat, may langaw na hindi. Ang karaniwang langaw na makikita sa bahay (o housefly) ay may bibig na walang pantusok kaya hindi nila kayang mangagat. Sa halip, ang bibig nila ay parang isang uri ng panghigop (sponging) na nakasisipsip ng likido o mga pagkaing di-gaanong buo sa mga bagay na dinadapuan nito. Wala itong kakayahang sumipsip ng dugo.
Q. Bakit laging aaligid-aligid sa ating bahay ang mga langaw?
A. Ito ay sapagkat ang pamumuhay ng mga langaw (housefly) ay nakasalalay sa mga gawain ng mga tao. Ang kawalan ng kasilyas ay isang bagay na nakalulugod sa kanila. Gayundin ang tumpok na basura (na kagagawan din natin). Basta’t kung saan may bagay na marumi at nabubulok, nandoon ang mga langaw.
Q. Ano ang pinagdadaanang pagbabago ng isang langaw mula sa pagiging itlog?
A. Sumasailalim sa apat na yugto ng pagbabago ang insektong langaw – mula itlog, larva (uod ang tawag sa larva ng langaw), pupa, at tigulang. Magkakaiba ang anyo ng langaw sa apat na yugtong ito.