AYON sa Bibliya, ang mira ay isa sa tatlong iniregalo kay Baby Jesus ng Tatlong Haring Mago. Ang dalawa pang iniregalo ay ginto at kamanyang. Ang mira ay mula sa dagta ng puno na ginagawang embalming ointment sa bangkay o anointing oil. Ginagamit din itong insenso kapag may patay o nagsasagawa ng cremation upang matakpan ang hindi magandang amoy mula sa bangkay.
Ayon sa The Metamorphoses, kuwentong-tula ni Ovid, isang Roman poet, ang alamat ng puno ng mira ay ganito : Si Mira ay isang babaeng umibig sa kanyang sariling ama na si Cinyras. Kinutsaba ni Mira ang kanyang yaya na i-set up siya sa kanyang ama na nasa kuwarto. Nakabalatkayo si Mira nang ipinasok siya ng yaya sa kuwarto. Ang akala ng ama ay ibang babae ito kaya pumayag na rin siyang makapagtalik.
Nangyari na ang bawal na pag-ibig nang mabisto ni Cinyras na anak pala niya ang nakatalik. Sa galit ng ama, tinangka niyang patayin si Mira ngunit nakatakas ito. Kahit pa siya ang nagkamali, naawa sa dalaga ang mga diyosa kaya upang maitago ang kahihiyang ginawa nito ay nagpasiya silang gawing puno na lang si Mira.
Para sa mga kritiko, hindi magandang panregalo kay Baby Jesus ang mira dahil una, gamit ito sa patay at pangalawa, ang masagwa nitong alamat na nag-ugat sa ‘incest’. Bilang tao, ang gugustuhin nating matanggap na regalo ay may connotation na positibo. Magkaganoon pa man, ipinagpalagay ng ibang scholars na kaya ibinigay ang mira kay Baby Jesus ay dahil sa “medicinal value” nito. Ipinanghihilot kasi ito sa masakit na sikmura at tiyan.