HINDI matapus-tapos ang pasasalamat ng mga magulang ng dalagita kina Jo at Princess. Tuwang-tuwa sila sa pagkakaligtas sa kanilang mga anak. Niyakap ng mga ito sina Princess at Jo.
“Maraming salamat sa inyong dalawa. Tatana-win namin na malaking utang na loob ang pagkakaligtas sa aming mga anak,’’ sabi ng isa sa mga magulang.
“Kung hindi sa inyo, baka hindi pa naililigtas ang aming mga anak.’’
Tuwang-tuwa naman sina Jo at Princess sa ipinakita ng mga magulang sa kanila. Talagang hindi mailarawan ang kasiyahan ng mga magulang dahil nailigtas ang kanilang mga anak. Ayon pa sa isang magulang na lumapit kay Princess, galing pa sila sa probinsiya --- sa Quezon. Matagal na nilang hinahanap ang kanilang anak na kinidnap ng grupo ni Chester. Dahil sa paghahananap sa kanilang anak ay napabayaan na ng ama ang trabaho sa Saudi Arabia. Hindi na ito nakabalik sa Saudi dahil ginugol ang panahon sa paghahanap sa anak na dalagita. Nag-iisa raw ang anak nila. Kinidnap daw ito nang lumabas sa school. Ni-report nila sa pulis pero walang nagawa ang pulis sa kanilang lugar. Parang wala raw interes na hanapin ang kanilang anak.
Hindi raw sila tumigil sa paghahanap. Hanggang sa makatanggap sila ng impormasyon na sa ibang bayan din sa Quezon ay may mga kinikidnap na dalagita at ibinibiyahe sa Maynila. Hanggang sa malaman daw nila na mayroong dalawang nangahas na pumasok sa lungga ng sindikato.
“Kayong dalawa pala ang pumasok para iligtas ang aming mga anak. Tinalo n’yo pa amg mga pulis. Itinaya ninyo ang buhay para sa mga kinidnap na dalagita.’’
Ipinaliwanag ni Princess na maski ang kanyang kapatid ay biktima rin ng kidnapping kaya naging maigting ang pagnanais na mailigtas ang mga dalagitang biktima.
“Maraming salamat muli sa inyong dalawa. Hindi namin kayo malilimutan hanggang sa huling hininga ng aming buhay,” sabi ng magulang at niyakap uli sina Jo at Princess.
Hanggang sa magpaalam na sila.
Naiwan na sina Jo at Princess.
“Tayo na Jo. Baka hinihintay na tayo ni Precious.’’
(Itutuloy)