Hinahangaan ko nang matagal na panahon si dating senador Rene Saguisag lalo na sa kanyang mga pinaninindigang usapin sa ating bansa.
Lalo na sa mga usaping pambansa na nakakaapekto sa interes ng publiko.
Ngayon ay lumihis na ng isyu si Saguisag at kanyang pinatulan na si Congressman Manny Pacquiao na binansagang pambansang kamao.
Nais ni Saguisag na alisin na sa Kongreso si Pacquiao dahil abala raw ito sa boksing at pagiging coach ng isang basketball team sa PBA.
Pinaglalaruan lang daw ni Pacquiao ang Kongreso at hindi nakakapag-akto bilang mambabatas.
Ayon pa kay Saguisag, nirerespeto lang daw si Pacquiao dahil sa datung o yaman na tinatamasa nito.
Mawalang galang na po at ako ay personal na kakilala ni Pacquiao pero tila foul naman ang pahayag ni Saguisag na lumilitaw na kanyang nilalait na ang pambansang kamao.
Kung may datung o malaking kayamanan si Pacquiao ay dahil ito sa pawis at dugo mula sa boksing.
Dapat ay silipin ni Saguisag ‘yung mga pulitiko na iginagalang ngayon at yumaman sa pagnanakaw at pagsasamantala sa kaban ng bayan.
Hindi na dapat pang pakialaman si Pacquiao dahil hindi mapapantayan ng salapi ang ibinigay nitong karangalan sa buong mundo.
Noon ay sumikat ang Pilipinas sa pagkidnap ng Abu Sayyaf na nakasira sa ating imahe pero ito ay nabura dahil sa pamamayagpag ni Pacquiao sa larangan ng boksing.
Kapag ang isang Pilipino ay nagpupunta sa abroad ay magiliw ang ibang dayuhan at madalas na makilala ang Pilipinas dahil sa kasikatan ni Pacquiao.