Manong Wen (149)
TINULUNGAN si Jo ng mga dalagita sa pagtatali sa dalawang tauhan ni Chester. Habang itinatali ay nakatikim ng tadyak, suntok at kalmot ang dalawang lalaki. Hindi inawat ni Jo at Princess ang mga dalagita. Hinayaan nilang mailabas ng mga dalagita ang naipong galit sa dalawang tauhan ni Chester.
Sumigaw sa pagmamakaawa ang dalawang holdaper. “Huwag po! Maawa po kayo sa amin. Tama na po!’’
Pero sa halip na tigilan ang mga ito sa pagbugbog ay lalo pang pinutakte ng suntok, sipa at kalmot.
Naitali ang dalawang lalaki. Siniguro ni Jo na hindi makakatakas ang mga ito. Pati mga paa ay may tali. Saka itinali sa haligi. Walang kawala ang dalawa.
‘‘Saan natin sila dadalhin, Jo?’’
“Hayaan na lang natin dito. Mga pulis na siguro ang kukuha sa kanila.’’
Iniwan na nila ang dalawang lalaki. Halos hindi makilala ang mga ito dahil sa tindi ng bugbog na nakuha sa mga dalagita.
“Halina kayo! Malaya na tayo!’’ sabi ni Jo at nanguna sa paglabas sa lagusan.
Malaya na nga sila sapagkat nakarinig sila ng mga busina at ingay ng sasakyan. Pati usapan ay nasagap nila. Nasa Legarda na sila. Hanggang sa tuluyan na silang makalabas. Natanaw nila ang mga sasakyang natatrapik sa Legarda St.
Tuwang-tuwa ang mga dalagita na nagsigawan. Tuwang-tuwa sila.
“Malaya na po tayo Kuya Jo, Ate Princess,” sabi ni Britney.
“Oo Britney. Makakapiling mo na ang mga magulang mo.’’
“Utang po namin sa inyong dalawa kaya kami nakaligtas. Kung hindi po sa inyo, baka nakakulong pa kami at ginagahasa ng hayop na si Chester. Marami pong salamat, Kuya Jo, Ate Princess,’’ sabi ni Britney at niyakap nang mahigpit si Princess at pagkaraan ay si Jo.
Niyakap din sila ng iba pang mga dalagita. Nagpapa-salamat sa ginawang kabayanihan nina Jo at Princess.
Hanggang sa may duma-ting na mga pulis na nasa patrol car at kasunod ay ambulansiya.
Nakita ni Jo at Princess na ang mabait na police officer ang dumating. Kinamayan ang dalawa.
“Nakagawa na naman kayo ng kabayanihan, Jo at Princess. Mayroon na naman kayong tatanggaping pabuya.’’
“Kahit walang pabuya, Colonel, okey lang sa amin ni Princess.’’
‘‘Opo nga, Colonel. Ang mahalaga sa amin ay mailigtas ang mga dalagita.’’
‘‘Kahanga-hanga kayong dalawa.’’
Hanggang sa magdatingan ang mga magulang ng mga dalagita. Marami ang umiyak sa pagkakataong iyon. Hindi napigilan ang emosyon.
Nagpasalamat din ang mga magulang kina Jo at Princess.
“Hindi namin kayo malilimutan,” sabi ng isa sa mga magulang.
Masayang-masaya ang lahat. (Itutuloy)
- Latest