MAY panibagong rollback na naman sa presyo ng produktong petrolyo kahapon. Mahigit P1 ang bawas sa gasolina at diesel.
Malaki na rin ang naibawas sa presyo ng gasolina at diesel na pangunahing ginagamit ng mga pampublikong sasakyan tulad ng UV Express, taxi at bus.
Tanging sa jeepney pa lang nag-rollback sa pasahe mula sa P8.50 ay ibinaba sa P7.50 amg minimum fare nito dahil sa sunod-sunod na pagbagsak ng presyo ng petrolyo sa world market.
Papaano naman ang mga pasahero ng UV express na ki-lala rin sa tawag na FX at gayundin ang bus at taxi.
May kapangyarihan ang LTFRB na kumilos upang magpatupad ng rollback sa pasahe at hindi na kailangan pa na antayin ang petisyon ng sinumang sektor.
Kung kikilos na parang pagong ang LTFRB sa rollback na pasahe ay baka dumating na uli ang pagtataas na naman ng presyo ng petrolyo sa world market.
Sa mga ganitong sitwasyon ay marapat na mabilis na kumikilos ang gobyerno lalo na kung ito ay paborable sa interes ng publiko.
Hindi na kailangan pa rito ang napakaraming pagdinig dahil alam naman ng lahat kung magkano ang ibinagsak sa presyo ng petrolyo at hindi naman maaaring magreklamo ang mga kompanya o operator at driver ng bus, taxi at UV express.
Kung maraming trabaho ang LTFRB sa iba’t ibang concern, unahin muna ang bawas sa pasahe sa bus at taxi na pangunahing pakikinabangan nang marami.
Paano kung muling tumaas ang presyo ng petrolyo sa world market? Puwede ba itong abonohan ng LTFRB sa publiko? Kaya dapat bilisan na ang implementasyon ng rollback sa pasahe at hindi na paabutin ng Enero 2015 para agad maramdaman ng publiko.