ANG ina’y labandera. Ang ama ay kubrador sa jueteng. Ang bahay nila ay kubo, na nakatagilid at parang nagbabadya na anumang oras ay magigiba na. Minsa’y walang tao at napagawi kaming magkakalaro sa bakuran nila. May butas sa dingding na yari sa kawayan. Sumilip kami. “Naka! Ang pangit pala ng loob ng bahay na ‘yan!” sabi ng isa kong kalaro.
Tumanim sa isip ko ang kapangitan ng bahay ng labandera. Kaya’t sa tuwing makikita ko ang kanyang dalawang sosyal na anak na nag-aaral sa Maynila ay naiintriga ako. Kasi hindi sila halatang may nanay na labandera, tatay na kubrador at pangit na bahay kubo. Ang magkapatid ay parehong makinis, maputi, seksi at laging maganda ang damit.
Ang labandera pala ay may regular nang inuutangan ng tela at suking modista kaya naisusunod niya sa uso ang kanyang mga anak. May regular na rin siyang inuutangan ng make-up para sa mga anak. Ganoon pala ang teknik ng labandera—kapag hindi makabayad ng cash ay nagpapaalila siya sa kanyang mga pinagkakautangan sa pamamagitan ng paglalaba sa mga ito nang walang bayad. May nagtanong sa labandera kung bakit masyado niyang iniispoyl ang mga anak. Sagot daw nito: “Gusto kong mabago ang kanilang buhay. Ang aking ina’y labandera rin pero wala siyang ginawang paraan upang makaahon ako sa pagiging labandera. Basta’t maiahon ko lang ang aking mga anak sa kahirapan ay maligaya na ako.”
Naging usap-usapan na sa aming kalye ang kawalang utang na loob ng magkapatid nang magkasakit ang labanderang ina. Nang makatapos sa kolehiyo at makapagtrabaho ay sa Maynila na nanirahan at hinding-hindi na inuuwian ang kanilang ama’t ina. Mayayaman daw kasi ang napangasawa at ikinahihiya ang kanilang kahirapan. Pati ang mga magulang. Unang namatay ang mister ng labandera. Kaya nang magkasakit ang labandera, walang nag-alaga sa kanya. Habang nakaratay sa banig ng karamdaman, mga kapitbahay lang at ilang kamag-anak ang tulong-tulong na nagtaguyod sa kanya.
Noong namatay ang labandera at nakaburol na ay saka lang dumating ang magkapatid. Sila lang at walang kasamang pamilya. Naisip ng mga kapitbahay na totoo ang balitang ikinahihiya nila ang kanilang pinanggalingan. Nang ipapasok na sa nitso ang kabaong ay umiyak ang magkapatid. Ang kuwento ng mga usisera, halos sabay-sabay daw na tumaas ang kilay ng mga nakipaglibing… sa sobrang asar sa mga walang utang na loob na mga anak ng labandera.