SUBALIT nagulat sila nang dalawang lalaki ang humarang sa kanilang daraanan. May hawak na armalite ang mga lalaki. Mabalasik ang anyo. May sombrero na tulad nang kay Palos.
“Saan kayo pupunta ha?’’ sabi ng isa at itinutok ang armalite sa kanila.
“Patay kayo ngayon!”
Pero hindi pa natatapos ng lalaki ang sinasabi ay agad na sumalakay si Jo hawak ang kanyang metal arnis. Pinasadahan nang mga sunud-sunod na palo sa katawan at mukha ang dalawang lalaki na nabigla rin sa biglang pagsalakay ni Jo. Hindi malaman ng dalawang lalaki ang gagawin. Isa pang pasada ng mga palo at ganap nang nahulog sa mga kamay ng dalawang lalaki ang kanilang mga armalite.
Mabilis namang dinampot ni Princess ang mga baril at inilayo sa mga naglalaban.
Bawat palo ni Jo sa dalawang lalaki ay bumabakat sa balat. Napakanipis kasi ng metal arnis. Talagang lumalapat sa balat.
Hanggang sa dumapa ang dalawa.
‘‘Suko na po! Tama na po!’’ sabi ng isang lalaki.
‘‘Nasaan pa ang mga kasama n’yo?’’
‘‘Wala na po. Tumakas na po.’’
‘‘Gusto mo bang hampasin uli kita. Nasaan ang mga kasama n’yo?’’
“Wala na po talaga. Kami na lang po ang natira. Tumakas na po sila nang malamang patay na si Boss Chester.’’
‘‘Bakit naiwan kayo at gusto n’yo pa kaming patayin?’’
“Utos po sa amin ni Boss Chester, patayin ang mga babae! Sobrang galit po niya sa mga babae.’’
Napatitig si Jo sa dalawang lalaki. Dahil siguro sa pagsasaboy ng asido sa mukha niya.
Kumilos si Jo. Kinuha ang kanyang mga tali sa bulsa. Itatali niya ang mga lalaki.
(Itutuloy)