PUWEDENG isali sa Ripley’s Believe It or Not ang nangyayari sa New Bilibid Prison (NBP) kung saan nadiskubre ang maraming baril at ilang kilo ng shabu. Saan makakakita na naipasok ang mga baril sa loob na hindi nakita ng mga jailguard. Kakabilib ito. Ang mga baril na nadiskubre sa loob ay kinabibilangan ng Walther PPK, Bushmaster 5.56-mm, Browning 9-mm handgun at Taurus 9-mm. Nakumpiska ang mga baril sa kubol o quarters ni convicted drug lord Peter Co.
At mas matindi, ang mga baril na nadiskubre ay nasa pangalan ng mga kongresista. Apat na kongresista ang sinasabing nagmamay-ari ng mga baril.
Hindi na nakapagtataka ngayon kung bakit may mga napapabalita noon na mga inmate na inilalabas ng mga opisyal ng bilangguan para isagawa ang pagpatay. Ginagamit sila para pumatay ng mga kalaban sa pulitika. Sa loob mismo nanggagaling ang mga “hired killer” kaya walang takot kung pumatay ang mga ito. Kapag napatay na ang target, ipapasok na muli sa NBP ang mga killer. Kung iisipin, kaya marahil hindi mahuli-huli ang mga suspect sa pagpatay ay dahil nasa loob na ito. Kahit ano pa ang gawin ay hindi mahuli ang hired killer.
Patuloy ang 20 convicted drug lords sa pagsasagawa ng kasamaan sa loob. Patuloy ang kanilang negosyong shabu at tumatabo sila ng pera. Limpak ang nakuhang pera sa mga kubol ng drug lords at pinaniniwalaang galing iyon sa negosyong droga. May mga nakuhang pambilang ng pera.
Nasimulan na ng DOJ ang pagbasag sa mga convicted drug lord, sana, huwag nang tigilan ang mga ito. Ipagpatuloy ang pagbasag sa iba pang salot sa NBP. Sibakin naman lahat ang opisyal ng Bucor at pati mga personnel. Isama na ang mga corrupt na guard.