MABAGAL ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pag-aksiyon laban sa mga taxi driver na holdaper. Marami nang nabiktima ang mga driver na holdaper pero wala pang ginagawang hakbang ang LTFRB kung paano mapoprotektahan ang riding public. Ngayong Disyembre, ilang insidente na ng panghoholdap ang nangyari at may pangamba na ang mamamayan kung safe pa bang sumakay sa taxi ngayon.
Noong nakaraang linggo, isang mag-ina ang hinoldap ng taxi driver. Nangyari ang insidente sa Pasay City. Sumakay umano ang mag-ina sa NAIA Terminal 3 pero pagdating sa may Villamor Air Base ay hinoldap na sila. Tinutukan umano sila ng baril. Kinuha ang kanilang mahahalagang gamit – cell phone laptop, relo at pera. Mabilis namang nakapagsumbong sa mga awtoridad ang mag-ina at nahuli ang drayber. Sinampahan ng kaso ang taxi drayber na holdaper.
Noong nakaraang linggo pa rin isang call center agent ang hinoldap din ng taxi driver sa Pasig City. Pero hindi pa nasiyahan ang drayber na holdaper, binaril pa niya sa mukha ang pasahero. Mabuti at hindi namatay ang pasahero. Pinaghahanap na ang taxi driver na holdaper.
Hinoldap din noong nakaraang linggo ang isang empleada sa Quezon City. Sabi ng biktima, nagpapahatid siya sa Parañaque pero kung saan-saan siya idinaan ng drayber at itinigil sa madilim na lugar sa NIA Road at doon hinoldap. Nakuha ang cell phone at kanyang pera. Mabuti raw at hindi siya ginahasa.
Marami nang nangyari ng panghoholdap ang mga taxi driver bago naisipan ng LTFRB na magkaroon ng identification system sa mga taxi driver. Kung hindi pa nagkasunud-sunod ang holdapan at may binaril pa, hindi maiisipan ng LTFRB ang ID system. Bakit ngayon lang ipatutupad ang ID system gayung dapat noon pa. Ibig sabihin, maraming drayber ngayon ang basta na lamang dinampot ng operator para mamasada. Paano kung may masamang record ang drayber? Kawawa ang pasahero. Sana naman noon pa ito ginawa ng LTFRB. Hinintay munang may mapahamak.