ISANG elementary school sa Zhejiang, China ang nagtayo ng 200-metrong running track sa bubong ng kanilang nag-iisang building dahil sa kakapusan ng lupa na puwede nilang gamitin.
Binuksan ang running track noong Setyembre. May kabuuang lawak ito na 3,000 square meters na puwedeng gamitin ng mga estudyante para sa kanilang physical education.
Kahit nasa tuktok ng isang building ay ipinagmamalaki naman ng mga namamahala ng eskuwelahan na ligtas ang kanilang running track para sa mga bata. Napapalibutan ang kabuuan ng running track ng mga pader na salamin upang masigurado na walang aksidenteng mahuhulog. Naglagay din ng mga surveillance camera sa paligid ng running track para masubaybayan ng mga kinauukulan ang kaligtasan ng mga bata.
Ang arkitektong si Ruan Hao ang nakaisip ng paglalagay ng running track sa bubong ng eskuwelahan. Dahil sa kakulangan ng lupa sa lugar ay ninais niyang hamunin ang kaisipan na dapat ay nasa malalawak na lote lamang gumagawa ng mga playground at track and field. Ito ang dahilan kung bakit siya nagpasyang ilagay sa rooftop ng paaralan ang running track.
Isinali ang running track bilang entry ng China sa 14th Venice Architecture Exhibition ngayong taon dahil sa kakaiba nitong disenyo.