TALAMAK ang bentahan ng mga double dead meat o mas kilala sa tawag na “botcha” sa ganitong panahon.
Patuloy na pinag-iingat ng BITAG ang publiko sa mga ibinibentang karne, doble ingat. Baka kasi maengganyo kayo sa mga iniaalok na bagsak-presyo.
Nakatipid at nakamura nga kayo, kalusugan ninyo at ng pamilya ninyo naman ang nakataya at mapi-perwisyo.
Dala na rin ng pabago-bagong panahon, mataas ang mortality rate sa mga malalaking pig farm. Marami ang nagkakasakit at namamatay. Dito naman lumalabas ang pagiging malikhain ng mga trabahante sa piggery farms.
Sa halip na sunugin at ilibing ang mga carcass o patay na hayop, ang mga putok sa buhong farm worker, para makinabang at kumita, tumatawag ng mga kontratista. Sayang nga naman. Kung ‘di ba naman mga kenkoy, kumag, kolokoy.
Sila ’yung mga kontratista na may closed aluminum van. Kukunin nila ang mga patay na baboy, dadalhin sa mga slaughter house saka idi-deliver sa mga matataong pamilihan.
Matagal nang namamayagpag ang underground industry o patagong industriyang ito.
Muli naming ipinalabas ang episode hinggil sa modus na ito sa bitagtheoriginal.com nitong nakaraang linggo para magbigay ng babala sa taumbayan.
Karaniwang makikita sa mga night market kung saan dinadayo ng mga mamimili lalo na ’yung mga nagbebenta ng barbecue sa gilid-gilid ng kalsada at maliliit na karinderia.
Hindi naman nilalahat. Pero kung isa ka sa mahilig bumili at kumain sa mga nabanggit na tindahan, ngayon palang mag-isip-isip ka na. Kasi bukas baka isa ka na sa biktima.
Maliban dito, mag-ingat din sa mga promo kuno sa mga tindahan ng litson ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.
Buy one take one daw pero lingid sa iyong kaalaman, ’yung isa botcha pala. Nakatipid ka na, nakalibre ka na, kaya ayun, libre-sakit din.
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.