EDITORYAL – Hotel sa loob ng Bilibid
MISTULANG nasa hotel ang ilang convicted drug lord sa National Bilibid Prison (NBP). Paano’y kumpleto ang mga gamit ng mga bilanggong sangkot sa illegal drugs. Nang lusubin ng National Bureau of Investigations (NBI) kahapon, na pinangunahan ni Justice Secretary Leila de Lima, natambad ang kakaibang klaseng tirahan ng mga drug lord na walang ipinagkaiba sa isang suite ng hotel – may jacuzzi, malaking TV, family size na kama, inverter airconditioner, refrigerator, microwave oven at iba pa. Nakuha rin sa tirahan ng mga convicted ang maraming pera (may dolyar), mamahaling relos, mamahaling bag, pitaka at iba pang sikat na brand ng gamit. May CCTV pa sa mga tirahan. Nakakumpiska rin ng mga shabu at paraphernalia.
Dinala ang mga convicted drug lord sa NBI at planong huwag nang ibalik sa NBP.
Kagimbal-gimbal ang natuklasang ito sa NBP. Mistulang nagbabakasyon lamang ang mga bilanggo. Walang kahirap-hirap ang buhay. Kumpleto sa pa-ngangailangan. Wala nang mahihiling pa ang mga drug lord na ginawang bakasyunan ang Bilibid.
Hindi pa natatagalan nang magsalita si De Lima sa isang okasyon sa NBP, at inihayag ang illegal drug trade sa loob at sangkot dito ang mga tauhan ng BuCor. Pagkaraan niyon, nagkaroon nang paghalughog sa NBP at nakaumpiska ng shabu at marijuana. Bukod sa droga, nakakumpiska rin ng signal boosters, outdoor antennas, repeaters, splitters, distributor, power supply at electrical wires. Ginagamit ang mga ito para magkaroon ng communication sa loob gamit ang cell phones at iba pang gadgets.
Grabe na ang nangyayari sa NBP at dapat nang magkaroon nang paglilinis. Sibakin lahat ang mga opisyal at personnel ng Bureau of Corrections (BuCor). Pati mga guard. Hangga’t hindi pinapalitan ang mga opisyal at tauhan ng BuCor, mananatili ang masamang gawain doon. Nararapat ding madaliin ang paglilipat ng NBP sa ibang lugar.
- Latest