NANANAWAGAN ang Department of Trade and Industry ( DTI) sa mga negosyante na magbawas sa presyo ng mga produkto dahil bumaba na ang produktong petrolyo.
Pero parang nagsalita sa hangin ang DTI dahil walang tumutugon sa kanilang panawagan.
Kanya-kanyang bersiyon pa ang mga negosyante ng rason na hindi naman daw nila pangunahing ginagamit ang langis kaya hindi raw nakikinabang sa pagbagsak ng petrolyo.
Napaka-imposible na hindi nakikinabang ang mga negosyante sa pagbaba ng presyo ng petrolyo dahil mula sa LPG hanggang gasolina at diesel ay gumagamit nito.
Noong tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa, puro reklamo ang naririnig sa mga negosyante na kesyo lugi sila dahil sa oil price increases..
Halos lahat nang sektor at negosyo ay umaangal noon sa mataas na presyo ng gasoline at diesel at LPG.
Pero ngayon, nananahimik ang mga negosyante at ayaw ikonsidera ang panawagan ng DTI na magbaba ng presyo sa kanilang produkto.
Malabong magkusa ang mga negosyante na magbaba ng presyo. Tiyak na ang rason ng mga ito ay bumabawi lamang sila sa kita mula sa pagkalugi sa mga nakaraang araw.
Gumami na ng kamay na bakal ang gobyerno sa mga negosyante para sumunod. Obligahin ng DTI ang mga negosyante na magbawas sa presyo. May kapangyarihan naman ang DTI dahil ang nais lamang nito ay mabigyan ng proteksiyon ang publiko.