HINDI na nakapagtataka kung bakit marami ngayon ang insidente ng mga bangayan o awayan sa mga lansangan.
Isa sa sanhi nito ay marami sa mga motorista ngayon ang maiinit ang ulo. Kung bakit? Ito ay dahil sa matindi at kalbaryong trapik na kanilang nararanasan kundi man sa lahat na yata ng kalye ng Metro Manila, eh sa mas nakakaraming lansangan.
Nauunawaan naman daw ng mga motorista na kapag ganitong buwan o panahon ay talagang titindi ang trapik, dahil nga sa holiday rush.
Marami ang busy sa pamimili, sa pamamasyal at kung anu-ano pa. Mistulang palagiang nagmamadali ngayon ang mga tao.
Ang hindi nga lang daw nila maintidihan eh kung bakit, grabe daw yata sa lahat ng Disyembre na nagdaan, ang trapik na nararanasan ngayon.
Ito ay sa kabila nang kung anu-anong pamamaraan ang ipinatutupad, pero lahat yata ng ipanukala ng MMDA eh walang nangyayari.
Ni katiting na pagbabago sa trapik eh hindi nararamdaman.
Isa pa rito, eh walang nakaposisyon na traffic enforcers sa mga intersection kaya lalong nagkakabuhol-buhol ang trapik.
Naku, lalo na sa Maynila, hindi malaman ng mga motorista kung hanggang kailan ang kanilang kalbaryo sa trapik sa lungsod.
Naturingang sangkaterba ang mga tauhan ng Manila Traffic Bureau, pero sila yata ang nasusunod sa kung saan nila gustong mag-pwesto.
Hindi ang puwestuhan eh yung mga intersection na madalas na masarhan o maharangan ng naglalakihang trak.
Sino ang hindi iinit ang ulo kung nakailang ‘go’ na sa lugar mo ang stop light eh hindi ka makaabante dahil nakaharang ang malalaking trak na humahabol talaga kahit puno na ang pupuwestuhan nila.
Kaya nga marahil laging magbaon ng mahabang pasensiya, dahil sa tindi ng trapik na ito talagang madalas na away ang masasagupa mo.