KAMAKALAWA, nagmanman ang mga kagawad ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga taxi drayber na isnabero. Ito umano ay para maipatupad ang kanilang kampanyang “Oplan Isnabero” lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan. Binansagan nilang isnabero ang mga taxi driver na namimiling magsakay ng pasahero. Ayaw ng mga ito na magsakay ng pasahero lalo kung ang pupuntahan ay matrapik o malayo.
Ang tanong ngayon ay kung may mapaparusahan sa mga taxi driver na isnabero na sinita ng LTFRB. Ayon sa report, maraming taxi driver ang nahuli ng LTFRB na tumatanggi sa mga pasahero. Magkaroon kaya ng ngipin ang LTFRB? O wala ring ipinagkaiba sa mga nakaraan na palpak ang kampanya? Mula nang ilunsad ng LTFRB ang kampanya, hanggang ngayon ay wala pang napaparusahan na isnaberong taxi driver. Isang malaking kabiguan sapagkat hanggang ngayon, patuloy ang ilang taxi driver sa pamimili ng isasakay na pasahero.
Lubhang kaawa-awa ang mga pasahero na tinatanggihan ng mga taxi driver. Lalo pa ’yung maraming dala-dalahan at hindi malaman kung paano sasakay. Karamihan sa mga ito ay mga taxi na umiikot-ikot sa mga mall at nag-aabang ng pasahero. Pero mayroon silang pinipili. Kapag sinabi ng pasahero sa taxi driver ang lugar na pupuntahan, tumatanggi na ito. Katwiran ay masyadong matrapik sa lugar. Pero may pasubali rin ang driver na kung dadagdagan siya ng bayad ay ihahatid din niya. Meron din namang driver na hindi na raw niya ibababa ang metro at magsasabi ng hala-gang ibabayad ng pasahero. Take it or leave it. Mayroon namang taxi driver na talagang lantaran kung makatanggi sa pasahero lalo na kung may kasamang mga bata ang pasahero. Ayaw daw masukahan o mataehan ang kanyang taxi.
Meron na kayang aksiyon ang LTFRB laban sa mga taxi driver na tumatangging magsakay ng pasahero? O ningas kugon lamang ang kanilang kampanya? Patindihin nila ang kampanya para makahuli ng mga isnabero. Lumabas sana ang LTFRB officials sa kanilang airconditioned na kuwarto at magmatyag sa paligid ng mall o mga kalsada para makadakma ng isnaberong taxi driver.