‘Kumag, kenkoy, kolokoy na isnaberong taxi’

TAMA na ang dada, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Dapat kayong magsampol at mam-BITAG. Lalo pa kasing dumarami ang mga bastos, balasubas, halang ang bituka at mapagsamantalang taxi driver sa lansangan.

Namimili ng mga pasaherong nag-aabang o ‘di naman kaya nagti-tiyagang pumila sa mga taxi bay sa labas ng mga mala­laking establishemento.

Lalo na ngayong kapaskuhan. Ang mga putok sa buho, kung hindi ‘iisnabin’ ang mga pobreng pasahero, mandaraya.

Papayag nga sila na ihatid sa destinasyon ang nag-aabang, pero sa isang kondisyon. Hindi gagamit ng metro bagkus, kontrata daw. Kung hindi ba naman tonggak!

Ang dahilan naman ng ilang mga kumag na taxi driver sobrang malayo ang pupuntahan kaya kinakailangang magdagdag ng bayad, traffic o ‘di naman kaya pagarahe na at out-of-way ‘yung pasahero.

Ito ang mga dapat bantayan ng LTFRB. Ang problema, may pa-oplan, Oplan Isnabero pa silang nalalaman, wala din namang nangyayari.

Nitong nakaraang gabi kasi, aksidenteng pumarada ang sasakyan ko sa taxi bay ng isang establishemento. Mahaba ang pila ng mga nag-aabang. Nakaka-bwisit makita ang mga kumag na namimili ng pasahero. Kaya ang pila na dapat ay first in, first out, hindi nasunod, nasira dahil sa mga kolokoy.

Ang punto rito, kayong mga drayber, binigyan kayo ng lisensya. Sa mga minamaneho ninyong taxi, may prangkisa. ‘Yan ay prebilehiyo at hindi karapatan na ipinagkaloob ng estado. Kaakibat niyan ay responsibilidad na magbigay-serbisyo sa mga pasahero. Hindi kayo maaaring tumanggi o mamili.

 Hindi ito alam ng ilang mga operator o kung alam man, pumipikit at nagtitikom nalang ng bibig.

Paglilinaw lang, lapit ang puso ko, maging ang aking mga ‘tol sa mga taxi driver lalo na sa mga matitino. Pero kung mali ang inyong mga pinaggagagawa, hindi namin kayo sasantuhin.

Kaya naman sa LTFRB, dapat gumawa kayo ng pahayag. Sinuman ang mga namimili ng pasahero, dapat agad BITAG-in at sampolan.

Mangyayari lang ito kung kayo ay talagang magbabantay sa mga lugar na pinag-aabangan ng mga pasahero, iba pa doon sa mga sumbong na nakakalap ninyo sa mga itinalagang sumbungan na numero.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. 

 

Show comments