Manong Wen (137)
MABILIS na nakababa sina Princess. Hindi sila nakita ng mga humahabol na tauhan ni Chester sapagkat itinuro ng dalagitang si Britney ang daan para madaling makita ang secret na lagusan. Kabisadung-kabisado ni Britney ang lagusan sapagkat ilang araw daw siyang ikinulong doon ni Chester. Doon daw siya ginahasa.
Pinagtulungan nilang itulak ang pinto ng lagusan. Parang isang solid na bato na kinortehang pinto. Hirap na hirap sila bago tuluyang naiawang ang pinto. Nang makapasok na silang lahat sa loob, pinagtulungan muli nilang itulak ang pinto ng lagusan. Hanggang sa maisara nila. Pinagtulungan nilang ilagay ang trangka.
“Salamat, hindi na siguro tayo masusundan dito,” sabi ni Princess.
“Malayo po ang lalakbayin natin Ate Princess bago tuluyang makalabas. Ito raw po talaga ang totoong lagusan kaya hindi mahuli ang demonyong si Chester,” sabi ni Britney.
“Gaano kalayo?”
“Mga dalawang kilometro po. Ang lalabasan po natin ay isang bodega na nasa Legarda.’’
“Kung ganoon ay magsimula na tayong maglakad. Huwag tayong mag-aksaya ng panahon at baka masundan pa tayo. Kahit na sinara natin ang lagusang ‘yan, maaaring mabuksan din ‘yan.’’
Naglakad sila. Mas mabilis ang kanilang paglalakad sapagkat mas maluwang ang lagusan. Nagtataka si Princess kung paano nagawa ang lagusang iyon. Malaking pera ang ginastos sa paghukay sa lagusan na iyon.
“Mabuti’t nalaman mo ito Britney?’’
“Narinig ko po sa usapan ni Chester at isang lalaki. Ito raw pong lagusan na ito ay noon pang World War 2. Ginamit daw poi tong taguan ng mga Pilipino nang sumalalakay ang mga Hapones. Panahon pa raw po ng mga Kastila nang gawin ang lagusan na ito. Isa raw mayamang tao ang nagpagawa nito.’’
“Kaya naman pala.”
“Marami raw pong nakaligtas nang magtago rito.’’
“Palagay ko nga ligtas na tayo rito.’’
Mabilis pa silang naglakad. May natatanaw na silang pag-asa.
SAMANTALA, nagkasubukan na ang lakas nina Jo at Chester. Ipinakita ni Chester ang husay sa martial arts. Napakalaki ng katawan ni Chester. Parang si “Incridible Hulk”. Pero hindi nasindak si Jo. Kahit gaano pa kalaki ang katawan ni Chester at kahit gaano pa kahusay sa martial arts, hindi siya uubra sa arnis niya. Dudurugin ng arnis niya ang katawan ni Chester.
“Magdasal ka na!” sabi ni Chester.
“Matagal na akong nagdasal.’’
Sinunggaban siya ni Chester. Hinawakan sa ulo at tinuhod. Sapol sa mukha si Jo.
(Itutuloy)
- Latest